Muling umalingawngaw ang panawagan para sa mas konkretong solusyon sa problema ng pagbaha matapos magbigay ng saloobin si “Unang Hirit” host at GMA news journalist Susan Enriquez hinggil sa sinasapit ng mga Pilipinong matagal nang nakararanas ng baha.
Nitong mga nagdaang linggo sa buwan ng Agosto, sinalanta ng sunod-sunod na pag-ulan ang ilang mga lugar sa Luzon, kabilang na ang Metro Manila, dahil sa epekto ng southwest monsoon o habagat; bukod pa sa pagpasok ng mga bagyo, na ang pinakahuli nga ay si "PilandokPH."
Sa kaniyang social media post noong Agosto 29, binigyang-diin ni Enriquez na bagama’t madalas ilarawan ang mga Pilipino bilang resilient o matatag sa harap ng mga sakuna at suliranin, hindi umano dapat maging dahilan ang katangiang ito para pabayaan silang paulit-ulit na harapin ang parehong problema.
“Resilient daw ang mga Pinoy. Pero hindi naman dapat naaabuso dahil sa pagiging resilient," aniya.
Ayon kay Enriquez, nakakapagod din ang patuloy na pagharap sa baha, lalo na para sa mga residenteng matagal nang hindi makabalik sa normal na pamumuhay.
“Nakakapagod din ang buhay nila na hindi na tinantanan ng baha.”
Naglatag din siya ng tanong na tila hinihikayat ang publiko na ilagay ang kanilang sarili sa kalagayan ng mga residenteng patuloy na apektado ng pagbaha.
“Kung ikaw ba ang nasa katayuan ng mga kababayan natin na halos hindi na nakaahon sa baha, matutuwa ka ba?”
Photo courtesy: Screenshot from Susan Enriquez/FB
Ang pahayag ni Enriquez ay kasunod ng pag-viral ng kaniyang kapwa “Unang Hirit” host na si Lyn Ching mula sa Hagonoy, Bulacan, kung saan personal nitong ipinakita ang kalagayan ng mga residenteng matagal nang nakikipamuhay sa baha.
Kitang-kita kasi sa facial expression at tono ng pagsasalita ni Ching ang matinding pagkadismaya at pagiging sarkastiko sa mga nangyayari, lalo na't hindi pa rin nabibigyang-linaw at napapanagot ang mga sangkot na politiko sa maanomalyang flood control projects, na pinagmulan ng matinding korapsyon.
Sa live report ni Ching, sinabi niyang humigit-kumulang dalawang taon nang nararanasan ng ilang residente sa lugar ang matagalang pagbaha na halos lumagpas na sa beywang.
Tinawag din ni Ching na isang “new normal” ang sitwasyon ngunit agad niyang binigyang-diin na hindi ito dapat tanggapin bilang normal na kalagayan.
“This is the ‘new normal’ that should not be accepted because it really shouldn’t be this way, right?”
Sa isa pa niyang bahagi ng report, sinabi ni Ching na likas sa mga Pilipino ang pagiging matatag at maging ang pagtawa sa kabila ng mahirap na sitwasyon. Ngunit, ayon sa kaniya, hindi dapat gawing dahilan ang resiliency upang hindi na tugunan ang problema.
“We are resilient people. But that should not be an excuse for anyone, right?" aniya pa.
Ipinaliwanag din ni Ching na hindi na dapat manahimik sa mga ganitong sitwasyon.
"Sometimes, you shouldn’t stay quiet. I’m done being nice."
Game din na nakipagbardagulan at sumagot si Lyn Ching sa mga umookray naman sa kaniya.
"Guys I’m 53. More than Half my life is done," paliwanag ng journalist.
"If I can’t be honest Then i’d rather not speak. But if you ask me to talk, I can be polite Or i can be brutal. I’m too old for this sh*t," aniya pa.
Maki-Balita: Lyn Ching sa di naitagong pagkadismaya sa baha sa Bulacan: 'I'm done being nice!'