Kinumpirma ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Lunes, Agosto 31, na pumalo na sa 33 ang mga nasawing indibidwal matapos ang pananalasa ng Bagyong Luis, Maymay, Neneng, at southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng bansa.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, na nakabatay sa datos ng OCD, aabot naman sa 19 ang naitalang injured, habang tatlo ang nawawala pa rin.
2.5 milyong pamilya, o 8.8 milyong indibidwal naman ang apektado ng mga nasabing weather system, base pa rin sa ulat ng naturang opisina.
Sa usapin ng mga tinamaang rehiyon, apektado ng mga nabanggit na weather disturbance ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, CALABARZON, Cordillera Administrative Region (CAR), National Capital Region (NCR), at MIMAROPA.
Anang opisina, sa kabuuan ay mayroong 1,365 evacuation centers na inookupahan ng 46,900 pamilya o 164,500 katao.
Aabot naman sa ₱6.12 bilyon ang epekto ng mga naturang bagyo at habagat sa imprastraktura; habang ₱2.32 bilyon naman sa agrikultura.
Kaugnay nito, sa kasalukuyan ay nasa loob pa rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayang Tropical Depression (TD) Pilandok.