August 30, 2026

Home BALITA

Parte ng tungkulin: Brgy. tanod, dapat inspeksyunin bag ng mga estudyante—SILG Remulla

Parte ng tungkulin: Brgy. tanod, dapat inspeksyunin bag ng mga estudyante—SILG Remulla
via MANILA BULLETIN

Inatasan na ang mga barangay security officer o barangay tanod na magsagawa ng masusing inspeksyon sa mga bag ng mga estudyante habang may klase bilang hakbang upang maiwasan ang mga insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.

Ipinaliwanag ni Remulla na ipinagkatiwala sa mga barangay security officer ang tungkuling pangseguridad dahil limitado sa labas ng school premises ang awtoridad ng mga pulis na magbantay sa mga paaralan.

Dagdag pa niya, karaniwang pamilyar ang mga barangay tanod sa mga estudyante dahil karamihan sa kanilang mga pamilya ay nakatira sa loob ng nasasakupan ng barangay.

Ayon kay Remulla, maaaring magkaroon ng epekto sa mga estudyante ang mga materyal na bagay na nakikita sa kanilang mga bag.

Samantala, sinabi ni Senior Staff Sgt. Joe Ralph Red ng Quezon City Police District (QCPD) na isang magandang hakbang ang paglalagay ng mga barangay tanod sa loob ng school premises bilang bahagi ng mga hakbang pangkaligtasan sa mga campus.

Eleksyon

Barzaga pa rin! Ermats ni Kiko Barzaga, waging kongresista sa Cavite

Gayunman, binigyang-diin ni Red, isang beteranong community police officer, na kinakailangang sumailalim muna sa mahigpit na pagsasanay ang mga barangay tanod hinggil sa tamang pagsasagawa ng bag inspection upang maiwasan ang mga problemang maaaring kaharapin nila.

“First and foremost barangay tanods should learn to properly check the bags to shield them from any uncompromising situation. Using an inspection stick and not putting their hands inside the bags is a must to prevent the suspicion of theft or planting of contrabands among others,’’ ani Red sa media.

Kasabay nito, magsasagawa ang QCPD, katuwang ang lokal na pamahalaan, ng emergency response training para sa mga estudyante at school personnel bilang paghahanda sa mga insidente ng karahasan at iba pang banta sa loob ng mga campus.

Nauna nang iniulat ng Philippine National Police (PNP) ang 50 insidenteng may kaugnayan sa karahasan sa mga paaralan nitong mga nakaraang buwan, na kinasasangkutan ng mga batang may salungat sa batas.