Nagbigay ng pahayag ang Commission on Human Rights (CHR) kaugnay sa pagdiriwang ng National Press Freedom Day ngayong Linggo, Agosto 30.
Sa latest Facebook post ng CHR nitong Linggo, sinabi nila na patuloy umanong humaharap sa hamon ang malayang pamamahayag sa Pilipinas sa kabila ng mahalagang papel nito sa isang demokratikong bansa.
Binanggit ng komisyon na ang ika-114 na puwesto ng Pilipinas sa 2026 World Press Freedom Index by Reporters Without Borders ay isang paalala sa pabago-bago at hindi matatag na estado ng media sa bansa.
“The lack of accountability for crimes against media workers perpetuates a dangerous cycle of impunity. The CHR thus urges the State to prioritise swift justice for victims and their families,” saad ng CHR.
Dagdag pa nila, “Red-tagging and other forms of intimidation also threaten journalists and the public’s right to information.”
Ito ay kahit pinagpasyahan na ng Korte Suprema na ang red-tagging, vilification, at labeling ay banta sa buhay, kalayaan, at seguridad ng isang tao.
Sa katunayan, batay sa National Inquiry on Red-Tagging ng CHR, natuklasan nilang kadalasan mamamahayag ang pinupuntirya nito, partikular ang mga kritikal sa pag-uulat ng mga polisiya at programa ng pamahalaan.
Samantala, patuloy naman ang pakikipagtulungan ng komisyon para patatagin ang mga mekanismo para sa proteksyon at kapakanan ng mga mamamahayag.
Kaya naman ngayong National Press Freedom Day, nananawagan ang CHR sa pamahalaan para aksyunan ang pamamayani ng impunidad.
Anila, "This National Press Freedom Day, the CHR calls on the government to address impunity and foster a safe and enabling civic space free from censorship and intimidation."
"Journalists, by exposing abuses and providing communities with information to protect their rights, are also human rights defenders entitled to protection," dugtong pa ng CHR.