Maaaring bawasan ng House prosecution panel sa impeachment trial kay Vice President Sara Duterte, ang bilang ng mga testigong ihaharap nito kaugnay ng alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds kapag nakumpleto na ang mga natitirang bahagi ng ebidensiya na magbibigay ng buong larawan sa mga alegasyon.
Sinabi ni House prosecution panel adviser at spokesperson Robert Ace Barbers na patuloy na sinusuri ng mga prosecutor kung kinakailangan pa ang mga natitirang testigo upang patunayan ang mga alegasyon.
“Okay, meron pa kasing, it’s like completing the puzzle. So nalagay na natin yung mga piyesa, pero mayroon pa ring mga kulang,” pahayag ni Barbers sa isang news forum sa Quezon City noong Sabado, Agosto 29.
“Kaya nga itong naka-line up na mga witnesses, ito yung magko-kompleto sa totoong o sa kabuuang litrato or in the whole picture of the evidence that the prosecution panel wants to present,” dagdag niya.
Ayon kay Barbers, layunin ng mga natitirang testigo na punan ang mga partikular na kakulangan sa ebidensiya at makumpleto ang kabuuang larawan bago magpasya ang panel kung maaari nang tapusin ang presentasyon nito kaugnay ng confidential funds.
Nauna nang pinaikli ng mga prosecutor ang kanilang presentasyon sa ilalim ng Article IV, na tumatalakay sa alegasyon na nagbanta si VP Sara kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Inalis ng prosecution panel ang ilang testigo matapos matukoy na sapat na ang mga ebidensiyang nasa record upang patunayan ang naturang alegasyon.
Ayon kay Barbers, maaari ding paikliin ang bahagi tungkol sa umano’y maling paggamit ng confidential funds kapag natukoy ng mga prosecutor na hindi na kinakailangan ang karagdagang testimonya ng mga natitirang testigo at hindi na nito mabibigyang-katwiran ang pagpapahaba ng presentasyon sa harap ng Senate impeachment court.
“In the event na the prosecution feels na pwede nang i-excuse yung iba nating mga witnesses, depende yun sa pag-aaral ng ating prosecution panel. Siguro maaaring gawin din ng prosecution yun, nang sa ganun hindi naman tayo tumagal nang husto,” aniya.
“Kasi gusto rin natin naman na matapos na ito. Lalo ngayon, ang Congress ay busy sa budget preparation for 2027,” dagdag pa ni Barbers.