Tumaas ng aabot sa 3.5 meters ang antas ng tubig sa Angat Dam, batay sa datos na inilabas ng Department of Science and Technology - Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) nitong Linggo, Agosto 30.
Ayon sa DOST-PAGASA, as of 8:00 ng umaga ngayong Linggo, pumalo na sa 198.0 meters ang water level ng Angat Dam, mas mataas ng 3.5 meters kumpara sa talang 194.5 meters noong Sabado, Agosto 29.
Kailangan na lang ng nasabing dam ng 12 meters ng tubig upang maabot ang normal water high level nitong 210 meters.
Samantala, napaulat din ang pagtaas ng water level sa iba pang mga pangunahing dam sa bansa gaya na lamang ng La Mesa Dam (0.47 meters); Binga Dam (1.34 meters); San Roque Dam (0.95 meters), Pantabangan Dam (0.58 meters); at Caliraya Dam (0.33 meters).
Sa kabila ng mga pagtaas na ito, bumaba naman ang lebel ng tubig sa Ipo Dam (0.79 meters); Ambuklao Dam (0.44 meters); at Magat Dam (0.02 meters).
Naiulat ang mga datos na ito matapos ang naranasang malawakang pagbuhos ng ulan sa iba’t ibang parte ng bansa—partikular na sa Metro Manila at Central Luzon—dahil sa enhanced southwest monsoon o habagat.