Tila hindi na nakatiis pa ang actress at vlogger na si Ivana Alawi sa mga ipinupukol na hate laban sa kaniya sa kabila ng ginagawa niyang tulong para sa mga apektado ng pagbaha sa Pampanga.
Sa latest Facebook post ni Ivana nitong Sabado, Agosto 19, mapapanood ang video clip ng kaniyang relief distribution para sa mga residente ng nasabing lugar.
“Tuloy parin ang pag tulong natin ” saad ni Ivana sa caption.
Ngunit tila hindi nagustuhan ng ilan ang paraan kung paano niya pinamigay ang mga relief goods.
Anila, bakit daw pinalusong pa sa baha ang mga tao sa halip na sa tuyong bahagi na lang ng kalsada ibinigay ang mga ito.
Kaya naman inilatag ni Ivana ang panig niya sa comment section ng kaniya post para magbigay ng kaliwanagan.
Ayon sa kaniya, “Sana alamin niyo din kung bakit nandoon sa gitna ng baha ang truck natin, nasiraan ito at hindi na maka andar ng bandang hapon.”
“Kaya habang sinusubukan naming ayusin para lumipat sa ibang area, may mga biglang pumila at nag stop din kung saan tumirik. Bumabalik lang din kami sa area kung san natigil ang truck namin para makahakot din ng relief goods para madala sa ibang area,” dugtong pa actress.
Sa huli, hiningi ni Ivana ang pang-unawa ng publiko.
"Sana ay maunawaan din ang buong sitwasyon bago tayo manghusga," sabi pa niya.
Matatandaang kontrobersiyal ngayon si Ivana dahil sa pagpo-promote niya ng online sugal sa anyo ng pagpapamudmod ng 100 pirasong iPhone 17.
Ngunit sa kabila nito, patuloy siyang nangangalampag sa isyu ng maanomalyang flood control projects.