Hindi pinalagpas ng ilang Blooms, o tawag sa fans at supporters ng tinaguriang "Nation's Girl Group" na BINI, ang naging pahayag ng beteranang singer at aktres na si Celeste Legaspi mula sa isang panayam kung saan hayagan niyang sinabi na hindi siya gaanong "crazy" o nahuhumaling sa grupo, habang todo-puri naman sa counterpart nitong SB19, na tinatawag namang "Kings of P-Pop."
Nag-resurface ang panayam ni Legaspi sa YouTube program na Senior Moments with Louie Montalbo na unang na-upload noong Mayo 10, 2026, ngunit kamakailan lamang naging viral sa social media.
Nang tanungin tungkol sa pananaw niya sa mga bagong henerasyon ng P-pop artists, walang pag-aalinlangan niyang sinabi ang kaniyang paghanga sa SB19.
“You know, I like SB19 a lot. They’re really, really good," aniya.
Nang mapunta naman ang usapan sa BINI, sinabi ni Legaspi: “I’m not so crazy about BINI. Kasi parang... hindi sila masyadong...”
Hindi na niya itinuloy ang kaniyang pahayag tungkol sa grupo at sa halip ay bumalik sa pagpuri sa SB19.
"Ang galing-galing ni Stell," aniya pa.
Partikular na pinuri ni Legaspi ang SB19 member na si Stell Ajero, na aniya ay napahanga siya nang mapanood sa 70th birthday concert ni National Artist for Music Ryan Cayabyab noong 2024.
Ayon kay Legaspi, bahagi siya ng production ng nasabing concert at nakita mismo ang performance ni Stell.
“Ang galing-galing ni Stell. We produced the 70th birthday concert of Ryan [Cayabyab]... He sang so well.”
Ipinahayag din niya ang kaniyang paghanga sa buong grupo at sinabing ipinagmamalaki niya ang SB19, lalo na kapag nakikita niya ang mga itong nakikipagsabayan sa mga Korean artist.
Ibinahagi rin ni Legaspi na ikinatuwa niya ang pagiging Caviteño ni SB19 leader Pablo, dahil Caviteña rin ang kaniyang ina.
Kasunod ng pag-viral ng video clip, ilang Blooms, o fans ng BINI, ang nagpahayag ng pagkadismaya sa naging sagot ni Legaspi.
May mga netizen namang nagsabing walang problema kung hindi paborito ni Legaspi ang musika ng BINI dahil karapatan ng bawat isa na magkaroon ng sariling musical preference.
Gayunman, para sa ilan, hindi na raw kinakailangang ihambing o banggitin ang BINI para lamang maipakita ang paghanga sa SB19.
May isang fan pa ngang nagsabing maaari namang purihin ang isang artist nang hindi kailangang “i-drag” pababa ang isa pang grupo.
Samantala, may mga netizen ding dumepensa kay Legaspi at iginiit na opinyon lamang niya ang kaniyang sinabi at hindi dapat maging dahilan iyon upang siya ay batikusin o “i-cancel.”
Sino si Celeste Legaspi?
Bago naging sentro ng usapan dahil sa kaniyang komento tungkol sa BINI at SB19, matagal nang itinuturing na isa sa mga haligi ng Original Pilipino Music (OPM) si Legaspi.
Kilala siya bilang singer, aktres at producer sa pelikula at teatro, at aktibo sa industriya sa loob ng ilang dekada.
Kabilang sa kaniyang mga pinasikat na awitin ang “Mamang Sorbetero,” “Saranggola ni Pepe,” “Gaano Ko Ikaw Kamahal” at “Tuliro.”
Anak siya ng National Artist for Visual Arts na si César Legaspi at naging bahagi rin ng mga organisasyong nagsusulong sa kapakanan at karapatan ng mga Filipino artist. Kabilang dito ang Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM) at Performers' Rights Society of the Philippines.
May mahaba rin siyang karanasan sa teatro at production. Noong 2024, kabilang siya sa production team ng concert para sa ika-70 kaarawan ni Cayabyab, kung saan napanood niya ang performance ni Stell.
Noong 2023, kabilang siya sa cast ng unang teleserye nina Donny Pangilinan at Belle Mariano sa Primetime Bida ng ABS-CBN, ang "Can't Buy Me Love."
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag si Legaspi kaugnay sa mga reaksiyon sa kaniyang komento.