Umabot na sa full bed capacity ang James L. Gordon Memorial Hospital (JLGMH) sa Olongapo City, Zambales habang patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng nagpapatingin, kabilang ang mga pinaghihinalaan at kumpirmadong kaso ng leptospirosis.
Sa public advisory ng ospital noong Biyernes, Agosto 28, sinabi nitong nananatiling bukas ang emergency room upang tumanggap ng mga pasyente.
Patuloy din umanong isinasagawa ang triage at medical assessment upang matukoy ang naaangkop na pangangalaga para sa bawat pasyente.
Gayunman, dahil okupado na ang lahat ng inpatient beds, maaaring makaranas ng pagkaantala ang mga pasyenteng nangangailangan ng admission.
Kung kinakailangan, makikipag-ugnayan ang JLGMH sa iba pang health facilities para sa referral, batay sa kondisyon ng pasyente at antas ng serbisyong medikal na kailangan nito.
Partikular ding susuriin ng mga doktor ang mga pediatric patient na maaaring mangailangan ng dialysis, kabilang ang mga batang mas mababa sa 30 kilo ang timbang.
Isasagawa ang assessment sa bawat kaso, habang ang mga pasyenteng nangangailangan ng mas mataas o mas espesyal na antas ng pangangalaga ay ire-refer sa angkop na pasilidad para matiyak ang kanilang kaligtasan at wastong management.
“We ask for the public’s understanding and cooperation as our doctors, nurses, and hospital staff continue to do everything they can to provide safe and proper care to every patient amid the current surge,” ayon sa pahayag ng ospital.
Hinimok naman ng JLGMH ang publiko na para sa mga kondisyong hindi emergency, maaaring magtungo sa mga outpatient o primary care facility upang makatulong na mabawasan ang siksikan sa emergency room.