August 29, 2026

Home BALITA Metro

Lalaking nanaksak, nakilala matapos maiwan tsinelas sa crime scene!

Lalaking nanaksak, nakilala matapos maiwan tsinelas sa crime scene!
UNSPLASH

Isang tsinelas na naiwan sa pinangyarihan ng krimen ang naging mahalagang clue ng pulisya para matukoy ang lalaking itinuturong suspek sa pagpatay sa isang 38-anyos na lalaki sa Barangay Catmon, Ormoc City.

Natagpuang wala nang buhay at nagtamo ng maraming saksak ang biktimang kinilala sa alyas na “Gary” sa isang bakanteng lote sa Purok 2.

Ayon sa Ormoc City police, isang barangay kagawad ang nag-report sa mga awtoridad matapos matuklasan ang bangkay.

Sa pagsisiyasat sa crime scene, nakita ng mga pulis ang isang itim na tsinelas na walang kapares. Bunsod nito, sinundan ng mga awtoridad ang pinagmulan nito hanggang sa isang bahay na malapit sa lugar.

Natagpuan doon ang kaparehong tsinelas at natukoy ang 47-anyos na lalaki na itinuturing na suspek. Kinumpirma rin umano ng kaniyang asawa na pag-aari ng kaniyang mister ang tsinelas na nakita sa crime scene.

Metro

Street sweeper, nakaladkad ng kableng sumabit sa delivery truck

Gayunman, nakaalis na ang suspek sa kanilang bahay nang dumating ang mga awtoridad.

Ayon kay PCol. Rey Cabilen, tagapagsalita ng Ormoc City police, hindi pa tukoy ang motibo sa krimen. Itinuturing naman ng mga imbestigador na circumstantial evidence ang tsinelas na naiwan sa lugar.

Inaalam din ng pulisya ang ulat na nagkaroon muna ng pagtatalo ang biktima at ang suspek bago natagpuan ang bangkay.

Napag-alaman pa ng mga awtoridad na may nauna nang kasong frustrated murder ang suspek at nakalaya lamang matapos makapagpiyansa.

Nakatakdang sampahan ng murder case ang suspek habang patuloy ang pagtugis sa kaniya.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Ormoc City police sa mga himpilan sa mga karatig-lugar upang matukoy ang kinaroroonan ng suspek at maisagawa ang pag-aresto.