Bagama't dalawa ang binabantayang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ang isa rito ay may mataas na tsansang maging isang bagyo.
Ito ang magpapalakas sa southwest monsoon o hanging habagat, na kasalukuyan ding nakakaapekto sa malaking bahagi ng Luzon at western section ng Visayas.
Sa public weather forecast nitong hapon ng Sabado, Agosto 30, patuloy na nagdadala ng pag-ulan ang habagat sa mga susunod na araw dahil sa dalawang LPA.
Huling namataan ang LPA (08i), na malapit sa Taiwan, sa layong 640 kilometers North Northeast of Itbayat, Batanes.
Habang ang LPA (08j) ay nasa layong 1,545 kilometers East of Extreme Northern Luzon, na may mataas na tsansang maging bagyo sa loob ng 24 na oras.
Posible rin ito pumasok sa loob ng PAR at tatawaging "Pilandok."
Ayon sa PAGASA, ang naturang potensyal na bagyo ang magpapalakas sa hanging habagat.
Inaasahan ang malalakas pa rin na pag-ulan over the weekend hanggang sa Lunes, Agosto 31, sa Metro Manila, malaking bahagi ng Central Luzon, at bahagi ng Southern Luzon.
Samantala, inaasahang makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan ang Central at Eastern Visayas at Mindanao.