Nagsimula na ang special election para sa congressional seat ng 4th Legislative District ng Cavite, na sakop ang Dasmariñas City, sa gitna ng malakas na pag-ulan sa lugar nitong Sabado, Agosto 29, 2026.
Nagbukas ang mga polling station bandang 5:00 ng umaga para sa senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at mga buntis. Nagsimula naman ng 7:00 ng umaga naman nagsimula ang regular na pagboto para sa lahat ng registered voters at nakatakdang magtapos 3:00 ng hapon.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia, maaaring palawigin ang oras ng pagboto kung magpapatuloy ang masamang panahon.
Isinasagawa ang special election upang pumili ng kapalit ni dating Cavite 4th district Rep. Kiko Barzaga, na pinatalsik sa House of Representatives noong Hunyo 2 dahil sa tinukoy ng mga mambabatas na “disruptive” at “disorderly” behavior.
Limang kandidato ang naghahangad na makuha ang puwesto: si incumbent Dasmariñas City Mayor Jennifer Austria Barzaga; dating vice mayor Raul Rex Del Rosario; dating konsehal Jacinto Bautista Frani Jr.; Marvin Opamin Dupal-ag; at Leysander Aguilar.
Idineklarang special non-working day sa Dasmariñas City ang Agosto 29 upang mabigyan ng pagkakataon ang mga rehistradong botante na makalahok sa halalan.
Nagsimula rin nitong Sabado ang pagboto ng persons deprived of liberty sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Dasmariñas City.
Personal na nagtungo si Garcia sa ilang polling precincts sa lungsod upang tingnan ang daloy ng special election sa kabila ng masamang panahon.
Kabilang sa kaniyang mga binisita ang Dasmariñas Elementary School, Francisco E. Barzaga Memorial School, at BJMP Dasmariñas City facility.
Matutukoy sa special election kung sino ang magsisilbi sa natitirang termino ng congressional seat na nabakante matapos mapatalsik si Barzaga.