Natagpuan na nitong Sabado, Agosto 29, ang bangkay ng dalawang batang naiulat na nawawala matapos malunod sa Lake Mapanuepe, Brgy. Buhawen sa San Marcelino, Zambales noong Huwebes, Agosto 27.
Batay sa ulat ng mga awtoridad, bandang 10:10 AM nang mapansin ng ilang residente ng Brgy. Buhawen ang isang lumulutang na katawan sa bahagi ng Lake Mapanuepe.
Ang ikalawang katawan naman na isang bata rin ay naiulat na natagpuan sa Lake Mapanuepe bandang 11:05 AM.
Matapos ang retrieval sa mga bangkay, agad na dinala ang mga ito sa “FAMA Funeral Home Service” para sa kaukulang pag-aasikaso.
Samantala, nagpapatuloy ang “search and retrieval operations” para sa isa pang biktimang nawawala pa, na pinaniniwalaang isang babaeng buntis.
Sa hiwalay na update ng San Marcelino Public Information Office noong Biyernes, Agosto 28, binanggit nilang 13 Aeta ang sakay ng motorized banca na naglayag sa Lake Mapanuepe bandang 2:00 PM noong Agosto 27.
Mula sa bilang na ito, apat na ang naitalang nakaligtas.
Batay pa sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, tumaob at lumubog umano ang motorized banca habang bumabiyahe sa lawa.
Sa kasalukuyan, patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye at mga posibleng pananagutan sa trahedya.