Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang isang local laundry whitening product bilang posibleng sangkap na aksidenteng nahalo sa gulaman na kinonsumo ng mga estudyante ng Tulalian National High School at nagdulot ng pagkakasakit sa 29 katao.
Ayon kay PMaj. Eunice Huit, deputy chief ng Sto. Tomas Municipal Police Station, patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.
Sa paunang imbestigasyon, sinabi ni Huit na naghanda umano ng gulaman ang isang vendor para ibenta ngunit napansin nitong matabang ang produkto. Dahil dito, inutusan umano nito ang isang tao na bumili ng asukal sa isang tindahan.
Gayunman, pinaniniwalaang maaaring “super white” sa halip na asukal ang naibigay mula sa tindahan at ito umano ang direktang inihalo sa gulaman.
Tinutukoy na ngayon ng pulisya kung ang produktong ibinigay ng tindahan ay ang laundry whitening product na tinatawag na “super white.”
Naaresto ang vendor kaugnay ng insidente ngunit kalaunan ay pinalaya matapos lumampas ang reglementary period. Ayon kay Huit, maaari pa ring maharap sa mga kaso ang vendor kung magsasampa ng reklamo ang mga pamilya ng mga biktima at magbibigay ng karagdagang pahayag.
Bukod sa mga estudyante, isang guro rin umano ang nakakonsumo ng gulaman.
Sa mga naunang ulat, 23 estudyante ang dinala sa iba’t ibang ospital matapos makaranas ng pananakit ng tiyan, pagduduwal
Hindi pa nakukumpirma ng mga awtoridad ang sanhi ng hinihinalang food poisoning. Patuloy ang imbestigasyon habang hinihintay ang resulta ng laboratory analysis.