Ibinahagi ng aktres na si Meryll Soriano ang pinakasadsad na punto ng pagiging drug user nang minsan siyang malulong dito.
Napag-usapan kasi sa latest episode ng vlog ni Kapamilya broadcast-journalist Karen Davila noong Huwebes, Agosto 27, ang tungkol sa pagkakaroon niya ng bipolar disorder.
Ayon kay Meryll, 25-anyos siya bago magbuntis sa anak niyang si Eli nang magsimula rin ang kaniyang sobriety.
“So, 19 years sober na ako,” anang aktres.
Pero hindi raw siya kailanman nalulong sa alak kundi sa chemical drgus lang talaga. Ito raw ang dahilan kung bakit sa palagay ni Meryll lumala ang kaniyang bipolar disorder.
“Kasi siyempre,” pagpapatuloy niya, “mayro’n na nga akong chemical imbalance, lalo ko pang pinalala because of that.”
Usisa tuloy ni Karen, “What was the lowest point of your drug use?”
“I think no’ng naapektuhan na ‘yong trabaho ko. E, mataas ang respeto ko sa work ko. Lumaki ako na nakita ko ang tita ko [Maricel Soriano] na mataas ang respeto sa work,” sagot ni Meryll.
Dagdag pa niya, “Na-train ako ng mga veteran actors on set like Charito Solis. Lumaki ako in very disciplined era in acting.”
Gayunman, hindi raw nakaramdam ng pressure si Meryll kahit tiyahin niya ang nag-iisang Diamond Star sa mundo ng Philippine showbiz.
Matatandaang si Meryll ay anak nina TV host Willie Revillame at Maria Victoria Soriano, na kapatid ni Maricel.
Sa mga huling bahagi ng dekada ‘90, nagkasama ang magtiyahin sa ilang pelikula tulad sa "Kahit Minsan Lang" at "Kung Kaya Mo, Kaya Ko Rin."