Kinumpirma ng University of Makati (UMak) na isang mag-aaral nila ang natagpuang patay sa loob ng kanilang pamantasan ngayong Biyernes, Agosto 28.
Binanggit ng UMak na nakipag-ugnayan na ang pamunuan nila sa naulilang mga kaanak ng pumanaw na mag-aaral habang umaandar na ang imbestigasyon sa pangyayari.
Tiniyak ng pamantasang magpapaabot ng suporta at psychological first aid ang kanilang guidance counselors, trained faculty, at staff sa mga miyembro ng kanilang komunidad na kakailanganin nito.
Bagama’t wala pang detalyeng binanggit hinggil sa dahilan ng pagkasawi ng mag-aaral, ipinapanawagan ng UMak sa buong komunidad na iwasang magpakalat ng mga espekulasyon sa social media para maisaalang-alang ang privacy ng mga naulilang kaanak.
“We extend our heartfelt sympathies to the student’s family and loved ones during this difficult time,” pakikiramay ng UMak.