Umabot sa 12.4% ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas ng iba’t ibang anyo ng kahirapan bukod sa mababang kita noong 2024, ayon sa unang opisyal na Multidimensional Poverty Index (MPI) ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa ulat ng PSA noong Huwebes, Agosto 27, tinatayang 0.042 ang national household MPI batay sa preliminary results ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS).
Sa antas ng indibidwal, 12.8% ng populasyon o mga Pilipinong kabilang sa multidimensionally poor households ang nakaranas ng average deprivation intensity na 34.7% sa mga weighted indicator na ginamit sa index.
Hindi tulad ng income-based poverty incidence na nakabatay sa kita ng isang pamilya at kakayahan nitong matugunan ang pangunahing pangangailangan, sinusukat ng MPI ang magkakaugnay na kakulangan na nararanasan ng mga sambahayan sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
May 17 indicators ang MPI na nakapaloob sa apat na dimensyon: edukasyon; kalusugan at nutrisyon; pabahay, tubig, at sanitasyon; at trabaho.
Itinuturing na multidimensionally poor ang isang sambahayan kapag lumampas sa 0.25 ang weighted deprivation score nito, na nangangahulugang nakararanas ito ng kakulangan sa higit sa isang dimensyon.
Sa antas ng indibidwal, pinakamalaking bahagi ng multidimensional poverty ang edukasyon na umabot sa 40.7%, sinundan ng pabahay, tubig, at sanitasyon sa 31.3%; kalusugan at nutrisyon sa 18.5%; at trabaho sa 9.5%.
Kabilang sa pinakamalaganap na problema ng mga Pilipinong parehong deprived sa isang indicator at kabilang sa multidimensionally poor households ang mababang educational attainment at hindi maayos na housing materials, na parehong nakaapekto sa 10.7% ng kabuuang populasyon.
Sinundan ito ng kakulangan sa pagmamay-ari ng assets sa 7.8%, food insecurity sa 7.2%, kawalan ng internet access sa 6.8%, hindi sapat na sanitation o toilet facilities sa 6.1%, at hindi sapat na water sources sa 5.6%.
Sa pamamaraan ng MPI, itinuturing na deprived sa educational attainment ang isang sambahayan kapag walang miyembrong edad 19 pataas ang nakatapos ng secondary education.
Samantala, kapag isinama ang lahat ng Pilipino na nakararanas ng deprivation kahit hindi sila nauuri bilang multidimensionally poor, housing materials ang pinakamalawak na suliranin na nakaapekto sa 38.7 porsiyento ng populasyon.
Kasunod nito ang kawalan ng internet access sa 26.4%, hindi sapat na sanitation o toilet facilities sa 24.1%, kakulangan sa assets sa 21.8%, at hindi sapat na educational attainment sa 20.2%.