August 27, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Nilaro niya talaga 'ko!' Mikee Quintos, nainis kay Sassa Gurl dahil sa 'thesis issue'

'Nilaro niya talaga 'ko!' Mikee Quintos, nainis kay Sassa Gurl dahil sa 'thesis issue'
Photo courtesy: Screenshot from Fast Talk with Boy Abunda/Sassa Gurl (FB)

Naungkat sa Kapuso actress na si Mikee Quintos ang tungkol sa pagkompronta niya noon sa social media personality-turned-Kapuso actress na si Sassa Gurl, nang sumalang sa Fast Talk with Boy Abunda noong Miyerkules, Agosto 26.

Natanong ni Boy Abunda si Mikee kung nagkagalit ba silang dalawa, at inamin naman ni Mikee na nainis siya kay Sassa noon.

Ang dahilan, ginawan kasi ng content ni Sassa ang "thesis issue" ni Mikee.

"Nainis lang ako sa kaniya dati, Tito, kasi ginawan ng content yung thesis issue ko. Eh hindi ko naman siya kilala no'n, hindi kami close. Parang 'Ito naman, close ba tayo? Makagawa ka ng content, 'kala mo... nilaro talaga niya 'ko, Tito," saad ni Mikee.

Nang minsan daw silang magka-bonding sa mismong bahay ni Mikee, doon na raw niya diniretso si Sassa at inungkat ang ginawa nitong content tungkol nga sa isyu ng thesis.

Tsika at Intriga

Ispluk ni Makagago: Josh Mojica, Yumi Garcia magkasama sa Thailand?

"Sabi ko, 'Alam mo, nainis ako sa 'yo dati. In fairness, sabi ni Sassa sa 'kin... yung una, dine-deny pa niya eh, 'Ano yun, hindi niya maalala. Ta's mamaya, nag-told na siya na, 'Aaminin ko na, naaalala ko yung content, pero give ko sa 'yo teh, ikaw lang yung dumiretso sa 'kin ng ganyan."

Nilinaw naman ni Mikee na kaya niya ginawa ang pangongompronta, ay para makapagtrabaho silang dalawa nang maayos.

Para sa mga hindi nakakaalam, natapos ni Mikee ang pag-aaral niya ng Bachelor of Science in Architecture sa University of Santo Tomas (UST) noong 2025.

Habang nag-aaral, lumabas ang isang blind item tungkol sa isang young star na umano'y hindi tumutulong sa paggawa ng thesis ng kaniyang kagrupo, na eventually, pinangalanang si Mikee.

Pero dinepensahan naman ito ni Mikee at ipinaliwanag ang kaniyang panig tungkol dito. Aniya, hindi raw birong pagsabayin ang pag-aartista at pag-aaral.

Inamin ni Mikee ang tungkol dito sa podcast ni Chris Cantada, former vocalist ng bandang Sponge Cola.

"Nagkaroon ng time, na-bash ako malala… Alam mo ’yong mga freedom wall per college, ’yong mga anonymous na pino-post," kuwento ni Mikee.

"May nag-hate na pabigat daw ako sa group work. Tapos super nag-viral."

Nang mga sandaling iyon, naka-lock in taping daw si Mikee dahil nga sa pandemya. Kumuha rin siya ng full load sa pag-aaral dahil online ang modality noon.

“I was doing a show that time, naka-lock in ako, I was doing The Lost Recipe, eh noong time na ’yon, nag-full load ako dahil online lang lahat,” aniya.

“So sobrang offended ko. Na-affect ako in a way na ayokong pumasok kahit online class. Kasi feeling ko tinatawanan ako ng mga kaklase ko,” aniya pa.

Saka raw na-realize ni Mikee na nakalimutan niyang college students pa lang ang mga kaklase niya noon, at karamihan sa kanila, hindi pa nakakaranas kung paano pagsabayin ang trabaho at pag-aaral.

“Feeling ko, nakalimutan ko na ’yong mga kaklase ko sa college, hindi pa nagtatrabaho. College pa lang sila. Tapos hindi nila ma-gets ’yong pressure na binabalance ko ’yong dalawa."

“So I can’t expect na when I talk to them and explain na, ‘Kailangan kong magpa-nails para sa show at may taping ako.’ Hindi nila makikita as trabaho ’yon for me. ’Yon ’yong rant niya kasi sa post niya, na nagpa-nails pa daw ako, na mayroong deadline."

“’Yong pain na mafe-feel mo once you experience that, nakakalakas talaga siya. Make sure lang you don't become bitter," aniya pa.

Maki-Balita: 'Di nila gets ang pressure!' Mikee Quintos, inungkat 'pabigat' issue sa group work noong college

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Sassa tungkol dito.