August 27, 2026

Home SHOWBIZ Pelikula

MTRCB, hinarang ang pelikulang ‘Tatsulok Trilogy’ dahil sa pekeng permit

MTRCB, hinarang ang pelikulang ‘Tatsulok Trilogy’ dahil sa pekeng permit
Photo courtesy: MTRCB (FB)/Tatsulok (IG)

Naglabas ng mahigpit na babala ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) laban sa paggamit ng peke o binagong permit matapos matuklasan ang isang umano’y falsified Permit to Exhibit (PTE) na may kaugnayan sa Tanajuan Pelikula Production at pelikulang “Tatsulok Trilogy.”

Ayon sa opisyal na pahayag ng MTRCB na inilabas nitong Agosto 27, hindi sumailalim sa review at classification process ng ahensiya ang naturang pelikula at wala itong valid na PTE. Nakasaad din na hindi rehistrado sa MTRCB ang Tanajuan Pelikula Production.

Nadiskubre umano ang pekeng permit noong Agosto 21, 2026, kasabay ng premiere ng pelikula.

Napansin umano ni MTRCB Board Member Ma. Cecilia Villarosa na nakalista ang kaniyang pangalan bilang isa sa mga umano’y nag-review ng pelikula. Agad itong napansin dahil, ayon sa ahensiya, hindi naman niya nirebyu ang pelikula.

Sa karagdagang pagsusuri, natuklasan din ang iba pang iregularidad sa dokumento. Kabilang dito ang maling spelling ng pangalan ng isa pang Board Member, kawalan ng opisyal na MTRCB dry seal, at ang umano’y petsa ng pagkakalabas ng permit na tumapat sa araw na sinuspinde ang trabaho ng pamahalaan dahil sa pagbaha.

Pelikula

Ispluk ni Direk Tonet: Manager, tumatanggi sa project nang di alam ng aktor na alaga

Binigyang-diin ni MTRCB Chair at CEO Lala Sotto na isang seryosong paglabag ang paggamit ng falsified PTE.

“The use of a falsified Permit to Exhibit is a serious violation. No producer or filmmaker may bypass the MTRCB’s review and classification process through fabricated or unauthorized documents,” ani Sotto.

Ipinaalala ng MTRCB na kailangang magparehistro sa ahensiya ang mga indibidwal at entity na nagsasagawa ng mga regulated activities sa industriya ng pelikula at telebisyon, bukod pa sa pagsunod sa review, classification at permit requirements.

Sinabi ng ahensiya na magsasagawa ito ng appropriate proceedings laban sa Tanajuan Pelikula Production, alinsunod sa due process.

Samantala, nanawagan din ang MTRCB sa mga independent cinemas na tiyakin ang authenticity at validity ng bawat PTE bago payagang maipalabas ang isang pelikula.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News, sinabi ng direktor ng “Tatsulok” na si Jhonny Bobier na kumukonsulta sila sa legal counsel at gagawa ng mga hakbang upang tugunan ang isyu.

Iginiit din niya ang kanilang karapatan sa due process at sinabi nilang sa tamang legal na proseso nila sasagutin ang usapin.

Samantala, naglabas din ng abiso ang Gateway Cineplex 18 na hindi ito konektado sa Tanajuan Pelikula Production at hindi ipapalabas sa kanilang mga sinehan ang planong screening ng “Tatsulok” sa Agosto 29.

Naglabas naman ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng pelikula na naka-post sa kanilang Instagram page. 

Patuloy namang inaasahang uusad ang kaukulang proseso ng MTRCB kaugnay ng umano’y paggamit ng pekeng permit.