Hindi na umano pangungunahan ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-oorganisa ng presidential debates para sa 2028 elections.
Sa halip, nais ng poll body na mga media organization ang manguna sa pagsasagawa ng mga debate, ayon kay Comelec Chair George Garcia nitong Huwebes, Agosto 26.
Ayon kay Garcia, pinag-iisipan na ng Comelec ang magiging papel nito sa mga debate sa 2028 matapos ang mga kontrobersiyang nangyari sa 2022 elections.
“‘Yan ay pinag-iisipan na natin. Pero again, sa amin pong palagay, yung nangyari nung nakaraan ay hindi tama,” ani Garcia.
Sinabi niyang mas mainam na ibalik ang sistema noong 2016 elections kung saan media entities ang nag-organisa ng mga debate habang nagsilbi lamang na observer ang Comelec.
“Nung 2016, ang mga media entity ang nag-conduct ng debate. Si Comelec, observer, technically kami ay guest lamang doon at sinusubaybayan lang namin,” dagdag niya.
Iginiit din ni Garcia na hindi dapat sagutin ng Comelec ang mga gastusin sa pagsasagawa ng debate at hindi dapat gamitin ang pondo ng publiko para rito.
“But we will definitely encourage yung mga media entities, lalong-lalo na yung mga samahan, na magkaroon ng mga padebate at ‘yan ay susuportahan natin,” ani Garcia.
Naging usapin ang pagsasagawa ng Comelec-organized debates noong 2022 matapos kanselahin ng poll body ang natitirang presidential at vice presidential debates noong Abril ng nasabing taon.
Nangyari ito matapos magkaroon ng problema ang production partner ng Comelec na Impact Hub Manila kaugnay ng hindi pa nababayarang obligasyon sa venue.
Kasunod nito, naningil ang debate contractor ng ₱15.3 milyon sa Comelec para sa mga nakanselang debate, na nag-udyok sa poll body na repasuhin ang mga naging transaksiyon nito sa pribadong kompanya.