Umabot na sa 21 ang bilang ng mga nasawi dahil sa leptospirosis sa Maynila matapos maitala ang apat pang fatalities nitong Huwebes, Agosto 27, ayon sa Manila Health Department (MHD).
Dahil dito, umakyat sa 21 ang kabuuang bilang ng leptospirosis deaths sa lungsod mula Enero 1 hanggang Agosto 27, 2026.
Iniulat din ng MHD at City Epidemiology and Surveillance Unit ang 45 bagong kaso ng leptospirosis nitong Huwebes, dahilan upang umakyat sa 401 ang kabuuang bilang ng kaso sa Maynila.
Ayon sa MHD, batay ang mga datos sa kanilang daily reporting ng water-borne, food-borne at leptospirosis diseases.
Ang leptospirosis ay isang bacterial disease na karaniwang nakukuha sa exposure sa tubig o lupa na kontaminado ng ihi ng infected animals.
Tumataas ang panganib na mahawa rito tuwing tag-ulan, lalo na sa mga lugar na nakararanas ng pagbaha.
Hinimok ng health department ang mga residente ng Maynila na manatiling maingat at panatilihin ang kalinisan upang makatulong sa pag-iwas sa pagkalat ng mga sakit ngayong tag-ulan.
Bukod sa leptospirosis, nakapagtala rin ang Maynila ng 33 bagong kaso ng dengue, 27 kaso ng influenza-like illness at limang kaso ng severe acute respiratory infection nitong Huwebes, ayon sa MHD.
Ayon sa infectious disease expert na si Dr. Edsel Salvana, maaari pa ring magkaroon ng leptospirosis ang isang tao kahit wala siyang sugat na maaaring pasukan ng kontaminadong tubig.
"Mayroon pong ebidensya na kahit walang sugat, kahit hindi po nakainom ng tubig, lalo na kung prolonged yung paglusong natin sa baha, maaaring makapasok pa rin ang leptospirosis sa ating katawan," saad ni Salvana.
Paliwanag pa niya, "Kung lumusong kayo sa baha at medyo natagalan po, pagdating sa bahay, hugasan po natin nang mabuti, soap and water. Makipag-ugnayan din sa health workers… kasi po ang binibigay nating [doxycycline], isa itong prescription drug."