Tahasang inilahad ng Palasyo na ang lahat ng lider ng mga lokal na pamahalaan ay kaalyado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ano man ang kulay o politikang kinabibilangan ng mga ito.
Kasunod ito ng pagbanggit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro kay dating Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo hinggil sa opinyon nito sa pamamahagi ng Local Government Support Fund (LGSF) sa mga lokal na pamahalaan.
Ayon kasi kay Usec. Castro, sinabi ni Robredo na naging maganda raw ang resulta ng pamimigay ng nasabing pondo.
“Kasi siya po ‘yong pinaka nakita nating na-interview na naging…napakita niya ang kahalagahan ng LGSF nang hindi namumulitika,” saad ni Usec. Castro sa isinagawang press briefing ng PCO nitong Miyerkules, Agosto 26.
Diretsahan namang sinagot ng press officer ang tanong hinggil sa kung itinuturing ba ngayon ni PBBM na kaalyado si Robredo.
“Lahat naman po sa paningin ng Pangulo, lahat ng bayan, lahat ng leaders, itinuturing niya ‘yan na dapat ay kaalyado—kaya nga dapat magkakaisa tayo,” anang press officer.
Dagdag pa niya, “So, doon lang sa mga obstructionist lang naman nagkakaroon ng ibang pananalita ang Pangulo. Kasi kahit sino naman, maaari namang tumuligsa, kung ito’y makakatulong para mas makita ng Pangulo kung ano ‘yong mga dapat pang gawin. Pero may mga obstructionist na walang nakikita kung hindi manira nang manira.”
“So, kung sino man po, kung ano man ang kulay ninyo, hindi po kayo ituturing ng Pangulo na kalaban, lahat po kayo kaalyado,” pagtatapos ni Usec. Castro.
Matatandaang naging magkatunggali sina PBBM at Robredo sa pagkapangulo noong 2022 presidential elections.