Nanawagan ang singer, songwriter, director, at artist na si Ice Seguerra sa ilang mga dumalo sa reunion concert ng "Sessionistas" na huwag i-upload nang buo o halos buong-buo sa social media ang mga performance mula sa show.
Sa isang Facebook post nitong Lunes, Agosto 24, sinabi ni Ice na naiintindihan at ikinatutuwa niya ang pagkuha ng fans ng videos habang may concert.
Aniya, gusto niyang makita ang mga reaksyon ng audience, mga paboritong bahagi ng show at mga kantang may espesyal na kahulugan para sa kanila.
Gayunman, iba umano ang pagkuha ng maiikling video kumpara sa pag-upload ng full performance o halos buong concert.
"But uploading full performances — or almost the entire concert — is different."
"When you buy a concert ticket, you’re buying the experience of watching the show. You are not buying the right to record the whole thing and upload it to your own YouTube page," paalala ni Ice.
"Hindi po dahil nakabili tayo ng ticket, atin na rin ang concert," paalala pa.
Ipinaliwanag ni Ice na ang pagbili ng concert ticket ay nagbibigay sa isang fan ng pagkakataong mapanood at maranasan ang show, ngunit hindi nangangahulugang may karapatan na itong i-record ang buong pagtatanghal at i-upload sa sariling YouTube channel.
“Hindi po dahil nakabili tayo ng ticket, atin na rin ang concert.”
Binigyang-diin din ng singer na maraming taong sangkot sa isang concert, kabilang ang mga artist, musician, composer, producer, publisher at crew.
Ayon sa kaniya, may proteksiyon ang kanilang mga likha at trabaho, kaya ang pagre-repost ng buong kanta o malalaking bahagi ng concert nang walang pahintulot ay hindi lamang simpleng “sharing.”
Tinukoy niya ito bilang unauthorized distribution o hindi awtorisadong pamamahagi ng gawa ng ibang tao.
Sa halip, hinikayat ni Ice ang fans na ibahagi ang kanilang mga paboritong sandali, litrato, maiikling clips at mga kuwento tungkol sa mga nagustuhan nila sa concert.
“Please share your favorite moments. Post your photos. Post short clips. Tell people what you loved about the show. We appreciate all of that.”
Ngunit malinaw ang kaniyang pakiusap:
“But please don’t upload the concert itself.”
Hiling sa mga nag-upload ng buong performance
Direkta ring nanawagan si Ice sa mga nakapag-upload na ng full performances mula sa kanilang mga show na burahin o i-take down ang mga ito.
“To those who have uploaded full performances from our shows, I’m asking you to please take them down.”
Sa huli, hinikayat niya ang publiko na patuloy na suportahan ang mga musikero at kanilang mga likha.
“Support the music. Support the artists.”
Dagdag pa niya, hindi umano dapat gawing content ng iba ang kanilang trabaho na wala namang karapatan ang mga ito na ipamahagi.