August 23, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Utak' ng scam kung bakit nakulong sina Neri at Rufa Mae, natiklo na!

'Utak' ng scam kung bakit nakulong sina Neri at Rufa Mae, natiklo na!
Photo courtesy: MB/Screenshot from Lars Pacheco (FB)

Usap-usapan ang umano'y pagkakadakip sa mastermind sa likod ng isang umano'y investment scam sa isang skincare clinic na matagal nang hinahanap ng mga awtoridad sa Pilipinas, na naging dahilan din kung bakit nakulong ang mga showbiz personality na sina Neri Naig-Miranda at Rufa Mae Quinto.

Kinumpirma ito ng beauty queen at social media personality na si Lars Pacheco, na nagsabing nadakip ang negosyanteng si "Chanda" kasama ang kapatid niyang si "Vilma" sa Pavilion Mall sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Agosto 21.

Ayon kay Pacheco, nakipagtulungan siya sa mga awtoridad sa Malaysia para maisagawa ang operasyon.

Sa kaniyang post, tinukoy ni Pacheco ang negosyante bilang “utak ng Derma Care investment scam” at nagbahagi rin ng video na umano’y nagpapakita sa pagkakaaresto sa negosyante at sa kapatid nito.

Umaasa si Pacheco na magsisilbing mahalagang hakbang ang pagkakaaresto sa pag-usad ng hustisya para sa mga umano’y nabiktima ng investment scheme.

Tsika at Intriga

Karylle sa ex niya: 'Pag binanggit ko pa siya, lagot... focus na lang tayo sa baha!'

Ayon sa ulat ng PEP, tahimik na nagtungo si Pacheco sa Kuala Lumpur noong Agosto 18 upang tulungan ang kaniyang business partner na umano’y isa rin sa mga naging biktima ng nabanggit na negosyante.

Sinabi niyang planado ang operasyon at ang kaniyang business partner ang nag-asikaso ng mga kinakailangang detalye para maisagawa ang pagkakaaresto.

Ayon pa kay Pacheco, nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine Embassy para sa posibleng paglipat sa negosyante sa Pilipinas para panagutan ang mga haharapin niyang kaso. Gayunman, wala pa umanong itinakdang petsa kung kailan ito maisasagawa.

Si Chanda ang may-ari ng Dermacare, isang skincare company at beauty clinic na nasangkot sa kontrobersiyal na investment scheme. Kabilang sa mga naging celebrity ambassador nito sina Neri Naig-Miranda at Rufa Mae Quinto.

Neri at Rufa Mae, paano nasangkot sa kontrobersiya?

Bago ang pagkakaaresto sa negosyante, kapwa naharap sa legal na problema sina Neri at Rufa Mae kaugnay ng mga reklamong isinampa laban sa mga personalidad na may koneksiyon sa Dermacare.

Maki-Balita: Southern Police District, kinumpirmang may dinakip na aktres na alyas 'Erin'

Noong 2020, naging endorser at franchisee ng Dermacare si Neri. Pagsapit ng Setyembre 2023, bago pa man sumiklab ang legal na kontrobersiya, naglabas siya ng pahayag na hindi na siya affiliated o associated sa kumpanya. Nilinaw rin niyang hindi niya pinahihintulutan ang paggamit ng kaniyang pangalan para sa anumang transaksiyon ng Dermacare.

Gayunman, Nobyembre 2024 nang maaresto si Neri kaugnay ng mga reklamong syndicated estafa at 14 counts ng paglabag sa Securities Regulation Code na inihain ng mga umano’y investor ng Dermacare.

Nakapagpiyansa siya bago sumapit ang Pasko at tuluyang nakalaya.

Noong Marso 2025, ibinasura naman ng Pasay City Regional Trial Court ang kasong syndicated estafa laban sa kaniya matapos umanong walang makitang probable cause para ipagpatuloy ang mga reklamo.

Maki-Balita: Neri Miranda, abswelto na sa kasong syndicated estafa!

Rufa Mae, sumuko sa NBI at nagpyansa

Nadawit din sa kontrobersiya si Rufa Mae na naging celebrity endorser ng Dermacare.

Matapos mailabas ang arrest warrant laban sa kaniya kaugnay ng 14 counts ng umano’y paglabag sa Securities Regulation Code, kusang-loob siyang sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Enero 8, 2025, matapos siyang umuwi mula sa Amerika.

Maki-Balita: Rufa Mae Quinto umuwi ng Pinas, sumuko sa NBI

Sinasabing nagpiyansa si Rufa Mae ng ₱1.7 milyon at nakalaya matapos manatili nang magdamag sa NBI.

Iginiit naman ni Rufa Mae na isa rin siyang biktima at dapat tukuyin ng mga awtoridad ang tunay na may-ari ng Dermacare.

“Biktima din po tayo kaya lahat haharapin. Go, go, go, basta hinaharap," pabiro pang sabi ni Peachy.

Sinabi rin ng aktres na nais niyang malinis ang kaniyang pangalan dahil naapektuhan umano ang kaniyang reputasyon dahil sa kaso.

Kalaunan, ibinasura rin ng korte noong Abril 2025 ang kaso laban kay Rufa Mae. 

Maki-Balita: Kaso ni Rufa Mae Quinto, ibinasura na: 'I'm free as a kite!'

Kapwa na-dismiss ang kaso laban kina Neri at Rufa Mae

Bagama’t parehong nadawit sina Neri at Rufa Mae sa kontrobersiya, mahalagang linawin na kapwa na-dismiss ang mga kasong isinampa laban sa kanila.