August 23, 2026

Home BALITA Internasyonal

Pinoy teleserye yarn? Car salesman, anak pala ng prinsipe ng Belgium!

Pinoy teleserye yarn? Car salesman, anak pala ng prinsipe ng Belgium!
Photo courtesy: via Wikimedia Commons/Unsplash

Anong gagawin mo kung malaman mong isa ka palang dugong bughaw?

Isang simpleng DNA test ang tuluyang nagbukas ng isang lihim na koneksyon sa royal family ng Belgium matapos makumpirmang anak ni Prince Laurent ang 26-anyos na si Clément Vandenkerckhove, isang car salesman.

Ayon sa ulat ng The Telegraph at iba pang international media outlets, kinilala si Vandenkerckhove bilang anak ni Prince Laurent, na nagkaroon umano ng relasyon sa kaniyang inang si Iris noong dekada ’90, bago pakasalan ng prinsipe si Princess Claire noong 2003.

Ibinunyag umano ni Iris sa kaniyang anak ang katotohanan noong 16-anyos pa lamang ito. Makalipas ang apat na taon, nagpasya si Vandenkerckhove na direktang kausapin si Prince Laurent tungkol sa kaniyang pinagmulan.

Sumang-ayon naman ang prinsipe na sumailalim sila sa DNA test.

Internasyonal

Sana all? Singapore, paparusahan mga nag-aabuso sa paggamit ng AI images

“We went to the hospital together, and I remember him saying, ‘I’ll go first, so you’re feeling at ease,’” kuwento ni Vandenkerckhove sa Belgian network na VTM.

Napatunayan ng DNA test ang kaniyang koneksiyon sa royal family. Gayunman, hindi agad naging legal ang pagkilala sa kaniyang pagiging anak ni Prince Laurent.

Anim na buwan lamang ang nakalipas nang pormal na kilalanin si Vandenkerckhove bilang anak at tagapagmana ni Prince Laurent sa isang seremonya sa town hall.

Kalaunan, ipinatala rin ni Prince Laurent sa civil registry ang kaniyang paternity o pagiging ama kay Vandenkerckhove.

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng prinsipe na nagkaroon sila ng kaniyang anak ng “open and honest conversations” tungkol sa tunay nilang relasyon.

Dahil sa legal na pagkilala, may karapatan na si Vandenkerckhove sa pantay na bahagi ng pribadong ari-arian ni Prince Laurent kasama ang tatlo niyang half-siblings na anak ng prinsipe kay Princess Claire.

Gayunman, hindi siya makatatanggap ng royal allowance dahil sa mga reporma sa royal endowment ng Belgium noong 2013. Ang naturang allowance ay limitado sa reigning monarch at sa direct heir.

Wala rin siyang opisyal na tungkulin bilang miyembro ng royal family at wala siyang karapatan sa trono.

Sa kabila ng pagkakaroon ng royal roots, hindi rin plano ni Vandenkerckhove na gamitin ang family name ng kaniyang ama na Saxe-Coburg.

Mananatili siyang gumagamit ng apelyidong Vandenkerckhove, na mula sa kaniyang ina.

“I am proud of the name Vandenkerckhove,” ani Vandenkerckhove sa Flemish daily newspaper na Het Nieuwsblad.

Aniya, magiging pagtataksil sa lahat ng ginawa ng kaniyang ina para sa kaniya kung isasantabi niya ang kanilang family name.

Sino si Prince Laurent?

Si Prince Laurent, 63, ay ikalawang anak at bunsong anak nina King Albert II at Queen Paola, at nakababatang kapatid ni King Philippe.

Sa kasalukuyan, nasa ika-15 puwesto siya sa linya ng pagmamana ng trono ng Belgium.

Samantala, bagama’t may dugong royal na ngayon ang pangalan ni Vandenkerckhove, mananatili siyang pribadong mamamayan at hindi magkakaroon ng opisyal na papel sa Belgian monarchy.

Mula sa pagiging ordinaryong car salesman, isang DNA test ang naging susi upang matuklasan ang kaniyang tunay na ugnayan sa isa sa pinakakilalang pamilya sa Belgium.