Nagbabala ang Filipino shoe designer na si Jojo Bragais laban sa scammer na umano’y gumagamit ng kaniyang pangalan sa Telegram para manghingi ng video at mag-alok ng pekeng casting sa isang pelikulang ipalalabas sa isang festival abroad.
Sa isang social media post, iginiit ni Bragais na wala siyang kinalaman sa naturang account at hinimok ang publiko na huwag magpaloko.
“SCAM ALERT!!! Somebody is Using My name on Telegram asking for Money and fake casting para maka kuha ng alam nyo ng Video!”
Dagdag pa niya, "Please Guys!!! Dont!!! Please Share!!!!!!”
Photo courtesy: Screenshot from Jose Joaquin Bragais/FB
Batay sa screenshot ng Telegram conversation na ibinahagi kaugnay ng babala, makikita ang isang account na gumagamit ng pangalang “Jojo Bragais” at may usapan tungkol sa isang umano’y movie project at casting.
Sa screenshot na nagsisilbing resibo sa nabanggit na scam, tila nagtangkang tawagan ng biktima ang nag-aalok ng film casting pero hindi siya sinagot.
“anong movie po pala yun boss, pwde napo ba malaman..." tanong ng biktima.
Sumagot naman ang kabilang panig, na sinasabing scammer, at dito ay nabanggit nga ang pangalan ng Kapamilya star at social media personality na si Ivana Alawi.
“Big film siya with ivana alawi. Entry ng philippines for film festival," anang scammer.
“Good tf din siya so don’t worry”
“He just need to do his best sa casting call."
Makikita rin sa huling bahagi ng thread ang tugon ng kausap: “wooow kaka excite boss”
Dahil dito, pinaalalahanan ni Bragais ang kaniyang followers na huwag makipagtransaksiyon, magpadala ng pera o magbigay ng personal na impormasyon sa sinumang gumagamit ng kaniyang pangalan para sa casting o iba pang alok sa Telegram.
"Guys mayroong nang-i-scam sa Telegram na nangpapanggap na Jojo Bragais, ang sinasabi ay inirereto ko raw para sa isang direktor ng isang film na kasama si Ms Ivana Alawi. And then magkakaroon ng casting sa video,” babala naman ni Bragais sa kaniyang reel.
Bilang bahagi raw ng audition, inuutusan daw ng scammer ang nag-aaudition na "laruin" ang kaniyang sarili sa video.
Nilinaw rin ni Bragais na wala siyang pino-produce na pelikula sa kasalukuyan.