Nagbigay ng reaksiyon si award-winning director Antoinette “Tonet” Jadaone sa sentimyento ng screenwriter na si Tom Vaughan na inalok ng proyekto ngunit tinanggihan umano ng manager.
“We made an offer to an actor earlier this year. We waited. The manager came back and said the actor passed on the script. We moved on,” saad ni Tom sa kaniyang X post noong Sabado, Agosto 22.
Ngunit makalipas ang ilang buwan, nilapitan ng direktor ang nasabing aktor para kausapin sa backstage ng isang show.
“The actor had never even heard of the project, let alone read it,” dugtong pa ni Tom.
At batay sa X post ni Direk Tonet noon ding Sabado, hindi lang daw ito sa ibang bansa nangyayari. Maski sa Pilipinas ay may ganito ring kaso.
Aniya, “Ugh ganyan din dito sa Pinas!!! ‘Uy tinanggihan mo raw project ko?’ But the actor never heard of it!”
Kaya payo niya, rumekta na sa aktor para tiyak na makakarating ang alok.
“Kung di magustuhan, at least narinig/nabasa man lang. At kung magustuhan, pwede niyang ipaglaban,” pahabol pa ng direktor.
Samantala, wala namang binanggit na pangalan si Direk Tonet kung sino ang aktor na ito.