Posibleng ilipat sa hapon ang paglilitis sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte sa Senado simula sa susunod na buwan upang magkaroon ng sapat na oras ang mga senador bilang impeachment court at hindi maantala ang regular na sesyon ng kapulungan.
Ayon kay Sen. Ping Lacson noong Sabado, Agosto 22, mas nakikitang praktikal ng mayorya ng mga senador na ilaan ang umaga para sa mga gawaing lehislatibo at isagawa naman ang impeachment trial sa hapon.
“At least in the majority group, this is the dominating sentiment. We will hold legislative sessions in the morning so the impeachment trial would not be cut short. It is a more practical setup,” ani Lacson sa isang panayam sa radyo.
Sa ilalim ng panukalang schedule, isasagawa ang regular na sesyon ng Senado mula Lunes hanggang Miyerkules, 10:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon.
Magsisimula naman ang impeachment proceedings pagsapit ng 2:30 ng hapon at nakatakdang tumagal hanggang hindi bababa sa 7:30 ng gabi.
Gayunman, sinabi ni Lacson na walang mahigpit na oras ng pagtatapos ang paglilitis at maaari itong umabot hanggang 10:00 o 11:00 ng gabi kung kinakailangan.
“To me, this is more practical. And my colleagues in the majority bloc share this sentiment,” dagdag ng senador.
Pag-uusapan umano ng mga senador ang panukalang pagbabago sa schedule sa isang caucus sa susunod na linggo. Makokonsulta rin dito ang mga miyembro ng minority bloc bago tuluyang magpasya ang Senado.
Kung maaaprubahan ang bagong schedule, sinabi ni Lacson na maaari itong ipahayag sa Agosto 26, upang mabigyan ng sapat na panahon ang prosecution at defense panels na maghanda.
“If there are pressing matters on the legislative side, we can flip the schedule again if needed,” ani Lacson.
Samantala, mananatili muna sa umaga ang impeachment trial sa susunod na linggo.
“Definitely next week, the impeachment trial will still be in the morning. If it will be moved to the afternoon the week after, it will be announced by the presiding officer on Wednesday,” dagdag niya.