Ibinahagi ng Kapamilya singer na si Angeline Quinto ang pinakamadilim na yugto ng kaniyang buhay bago siya tuluyang namayagpag sa industriya sa loob ng isa’t kalahating dekada.
Nausisa kasi si Angeline sa latest episode ng “KC After Hours” noong Sabado, Agosto 22,
kung dumating ba sa point na parang madilim ang lahat at gusto na lang niyang sumuko.
“ Kasi ngayon, nakikita ka nami you're so successful. You've come to your own. Kilalang-kilala mo na 'yong sarili mo with the confidence you exude, pero nagkaroon ba ng panahon na madilim? Gusto mong sumuko?” tanong ni Kapamilya broadcast-journalist Karmina Constantino.
“'Yong pinakamabigat pong nangyari sa buhay ko 'yong mawala ang mama,” sagot ni Angeline. “Noong November 2020.”
“Kasi po no'ng taon na 'yan nag-pandemic. Halos walang mga trabaho. Then kasabay din po rin ng 2020 e nag-shut down ang network namin. Then bago matapos ang taon, nawala ang mama,” dugtong pa ng Kapamilya singer.
Ayon kay Angeline, parang nawalan daw ng kabuluhan lahat ng pinaghirapan niya sa pagpanaw ng kaniyang ina.
“Sabi ko, ano pang dahilan ko para kumanta? Kasi no’ng nawala ang mama, parang lahat po ng kinakanta ko parang wala nang meaning. Hindi ko nararamdaman,” aniya pa.
Pero sa kabila nito, ang alaala pa rin daw ng mama niya ang nagsalba sa kaniya.
Naalala raw kasi ni Angeline na lagi nitong payo na magdasal lang kapag nadadaanan ang puntong iyon ng buhay na madilim at mahirap lagpasan.
Sa kasalukuyan, labinlimang taon na ang Kapamilya singer e sa showbiz. Bilang pagdiriwang sa panibagong milestone na ito sa kaniyang buhay, nagdaos siya ng anniversary concert na ginanap sa Araneta Coliseum noong Sabado ng gabi, Agosto 22.