August 23, 2026

Home BALITA

12-anyos, pinagsamantalahan at ibinahay ng lalaking 30-anyos!

12-anyos, pinagsamantalahan at ibinahay ng lalaking 30-anyos!
UNSPLASH

Arestado ang isang 30-anyos na lalaki matapos umanong abusuhin ang isang 12-anyos na babae na dinala niya sa isang hotel at kalaunan ay sa kaniyang tirahan sa Malibay, Pasay City.

Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Angelo,” isang tambay at residente ng Barangay 165.

Batay sa imbestigasyon, unang nakilala umano ng menor de edad ang suspek sa Taguig City noong Agosto 18. Mula roon, isinama umano siya ng lalaki sa isang hotel sa Pasay kung saan naganap ang unang insidente ng panggagahasa sa biktima.

Matapos nito, dinala pa umano ng suspek ang biktima sa kaniyang bahay sa Malibay at doon siya itinira hanggang Agosto 21.

Nang muling mangyari umano ang pang-aabuso noong umaga ng Biyernes, Agosto 21, nakahanap ng pagkakataon ang bata na palihim na ma-contact ang kaniyang ina upang humingi ng saklolo.

Metro

2 mangingisda, nasagip matapos mawala sa dagat nang 20 oras

Agad na humingi ng tulong ang ina sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Taguig City Police Station.

Nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Taguig Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Pasay City Police Station Sub-Station 6 para sa pagsagip sa menor de edad at pagdakip sa suspek.

Nasagip ang biktima at naaresto naman ang suspek sa kaniyang tinutuluyan.

Dinala muna siya sa Pasay City General Hospital para sa kinakailangang medical examination bago ipinasa sa WCPD ng Pasay CPS para sa kaukulang dokumentasyon at proseso.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang mga kasong isasampa laban sa suspek kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 11648, na nagpalakas sa proteksiyon laban sa pang-aabuso at pagsasamantala sa mga bata.

Isasailalim naman ang suspek sa inquest proceedings sa Pasay City Prosecutor’s Office.