Bumuwelta si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III sa direktor na si Darryl Yap matapos siya nitong murahin kasama si Palace Press Officer Atty. Claire Castro.
Nag-ugat ito matapos ipagtanggol ni Torre ang patutsada ni Castro laban sa ilang guro na nagtuturo umano sa mga estudyante ng kawalan ng modo.
"Kaya, Darryl, bago ang 'PUTANG INA MO,' comprehension muna," saad ni Torre.
Dagdag pa niya, "Kung talagang ipinagmamalaki nating mga guro ang ating mga magulang, mas magandang ipakita nating natuto tayo sa kanila: basahin, intindihin, saka humusga."
Ngunit sabi lang ni Yap, "ANONG COMPREHENSION, COMPREHENSION! TANG INA NYO TOGETHER!”
Sa kasalukuyan, binura na ng direktor ang nasabing post. Ngunit naiulat na ito sa ilang media outlets.
At bilang tugon, sinabi ni Torre sa isang Facebook post niya nitong Sabado, Agosto 22, na mas pinatunayan lang umano ni Yap ang puntong gusto niyang tumbukin.
Anang MMDA General Manager, "Hindi ito usapin kung sino ang mas malakas magmura o kung sino ang pinakamaingay sa social media."
"Ang tanong: ganito na ba ang gusto nating halimbawa sa kabataan—na kapag hindi mo kayang sagutin ang argumento, lakasan mo na lang ang boses at dagdagan ang mura?" dugtong pa ni Torre.
Bukod dito, kinuwestiyon din niya ang Viva at iba pang media company na nagbibigay ng platform sa mga influential personality na gaya ni Yap.
Aniya, "What kind of behavior are we willing to normalize—and what kind of example are we putting before Filipino children?"
Ngunit nilinaw naman ni Torre na wala siyang problema sa pagmumura dahil mahigit tatlong dekada siyang pulis. Nagiging problema lang umano ito kapag mura ang ginagawang sagot sa argumento at kabastusan ang ipinapakitang paraan ng pakikipagdiskurso.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang tugon o reaksiyon si Yap sa pahayag na ito ni Torre.