umabot sa 9.7% ang bahagi ng populasyong nabubuhay sa ilalim ng official poverty line noong 2025, ayon sa pinakabagong datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa inilabas na 2025 Full-Year Official Poverty Statistics ng PSA noong Biyernes, Agosto 21, nasa tinatayang 11.08 milyon ang mga Pilipinong itinuring na mahirap noong nakaraang taon.
Malaking pagbaba ito kumpara sa 15.5% poverty incidence noong 2023, nang tinatayang 17.54 milyon ang kabilang sa mahihirap na populasyon.
Sa antas naman ng pamilya, bumagsak sa 6.4% ang poverty incidence noong 2025, katumbas ng humigit-kumulang 1.90 milyong pamilyang hindi sapat ang kita para matugunan ang kanilang pangunahing pagkain at iba pang batayang pangangailangan.
Ayon sa PSA, ito ang unang pagkakataon na bumaba sa single-digit level ang poverty incidence sa bansa.
Ipinakita rin ng datos na mas mabilis ang naging paglago ng kita kumpara sa pagtaas ng poverty threshold.
Mula 2023 hanggang 2025, tumaas ng 22% ang mean annual per capita income habang 5.5% lamang ang itinaas ng annual per capita poverty threshold.
Mas mataas din ang paglago ng kita ng mga pamilyang nasa pinakamababang income groups, kung saan tumaas ng 23.8% ang mean annual per capita income sa unang decile at 22.7% naman sa ikalawang decile.
Ayon sa PSA, kabilang sa pinagbatayan ng datos ang 2025 Family Income and Expenditure Survey (FIES), na isinagawa upang makuha ang kita at gastusin ng mga pamilya sa buong taon.
Samantala, sinabi ni Department of Economy, Planning, and Development Secretary Arsenio M. Balisacan na mahalagang milestone ang pagbaba ng poverty rate sa single-digit level.
“Reaching this milestone ahead of schedule demonstrates that expanding economic opportunities, complemented by effective social protection, can make a meaningful difference in people’s lives,” ani Balisacan.
Gayunman, binigyang-diin ni Balisacan na kailangang mapanatili ang mga pamilyang nakaahon sa kahirapan upang hindi muling bumalik sa ilalim ng poverty threshold.
“As we enter the final years of the administration, our priority is to ensure that families who have moved out of poverty do not fall back into it,” dagdag niya.
Sa kabila ng record-low poverty rate, nananatiling hamon para sa pamahalaan ang pagpapanatili ng kita at purchasing power ng mga sambahayan, lalo na kung muling lalakas ang inflation o haharap ang ekonomiya sa malalaking external shocks.