Nagbigay ng updates ang social media personality at negosyanteng si Rosmar Tan Pamulaklakin o "Rosmar Tan" matapos makatanggap ng puna ang sistema ng kaniyang “piso per parcel," o bayad niya sa mga magnanais na magbalot ng mga order para sa delivery ng negosyo ng una.
Inalmahan hindi lamang ng mga netizen kundi ng ilang content creators ang ibabayad ni Rosmar sa mga magpa-pack ng parcels niya dahil sa presyo nito.
Ang siste, kahit na pakyawan daw ito, masyadong maliit daw ang halaga ng piso para sa oras na igugugol ng packer.
Photo courtesy: Screenshot from Rosemarie Tan Pamulaklakin/FB
Sa bagong anunsyo ni Rosmar sa kaniyang social media pa, sinabi niyang mas organisado na raw ang "piso per parcel" niya dahil nag-uwi raw ang lahat ng packers ng minimum rate.
“MAS ORGANIZE NA!” bungad ni Rosmar sa kaniyang post.
Ayon sa kaniya, mananatili ang ₱1 kada parcel bilang batayang bayad, ngunit hindi na umano uuwi nang mababa rito ang mga sumali.
“PISO PER PARCEL let’s gooo!” aniya.
Ipinaliwanag ni Rosmar na lahat ng sasali ay makatatanggap ng minimum rate. Kung lalampas naman dito ang kikitain batay sa dami ng parcel na nabalot, makukuha pa rin ng worker ang kabuuang dagdag na halaga.
“Pero para lahat happy? Uuwi lahat na may minimum na rate. Yes! Kung below minimum rate ang nabalot mo mag uuwi ka pa rin ng MINIMUM RATE. Pero kapag sobra sa minumum rate ang nabalot mo makukuha mo pa rin ang sosobra. At ang pinaka maraming mabalot per day may BONUS pa!” saad niya.
Ang bagong sistema ay tugon umano sa mga naging reklamo ng ilang pumunta sa kaniyang unang packing activity at umuwi na hindi nasiyahan sa kanilang kinita.
Sa kaniyang post, hinikayat din ni Rosmar ang mga nakibahagi sa unang batch na makipag-ugnayan sa kaniyang team upang makuha ang kabuuang minimum rate para sa kanilang araw ng trabaho.
“At ung mga pumunta kagabi at umuwing malungkot. Pm Rosmar Mai para makuha ang kabuuan ng per day minimum rate nyo.”
Iginiit din ng negosyante na hindi niya hihingian ng requirements ang mga nais magtrabaho sa kaniya, at papapasukin sa kaniyang property, basta't huwag lang sisirain ang tiwala niya.
“Wag kayo mag alala di ko pa rin kayo hihingan ng requirements. Kung dati kayong bilanggo papapasukin ko pa rin kayo sa property namin. Lahat naman ng tao nag babago. Basta wag nyo lang sisirain ang tiwala ko. NO REQUIREMENTS NEEDED!”
“Ngayon mas organize na! Let’s goooo,” pagtatapos niya.
Photo courtesy: Screenshot from Rosemarie Tan Pamulaklakin/FB
Bukod sa suweldo, iginiit din ni Rosmar at free meal at free water ang mga trabahador dito.