August 22, 2026

Home BALITA

Lalaki, nag-sign of the cross muna bago nakawan babaeng nagdadasal sa simbahan!

Lalaki, nag-sign of the cross muna bago nakawan babaeng nagdadasal sa simbahan!
Contributed photo

Hindi na nakaligtas sa pagnanakaw ang isang babaeng taimtim na nagdarasal sa loob ng isang simbahan matapos siyang pagnakawan ng isang lalaki sa Cagayan de Oro City.

Batay sa kuha ng CCTV sa Black Nazarene Parish, pumasok siya sa simbahan at naglibot muna ng tingin bago nag-sign of the cross at umupo sa likod ng babaeng noon ay nagdarasal.

Maya-maya, kinuha umano ng lalaki ang bag ng biktima at inilagay sa tabi niya. Hinalughog nito ang laman ng bag bago kunin ang ilang gamit at tuluyang umalis sa lugar.

Ayon kay security guard Ryan Dizon, agad humingi ng tulong ang biktima matapos matuklasan ang pagkawala ng kaniyang mga gamit ngunit hindi na nahabol ng mga guwardiya ang suspek.

Kabilang umano sa natangay ang cellphone at wallet na may lamang pera.

National

Testimonya ni Gina Acosta, ‘smoking gun’ sa impeachment trial—Prosecution

Hindi umano ito ang unang insidente ng pagnanakaw na naiulat sa paligid ng simbahan. May mga vendor din umanong nakaranas ng pagkawala ng kanilang cellphone at paninda.

Dahil sa insidente, nagpatupad ang pamunuan ng simbahan ng mas mahigpit na seguridad, kabilang ang “one-entrance, one-exit” policy, partikular kapag walang misa, upang mas madaling ma-monitor ang mga pumapasok at lumalabas sa lugar.

Samantala, nagsasagawa na ng follow-up operation ang Police Station 3 ng Cagayan de Oro City Police Office upang matukoy at mahanap ang suspek.

Ayon kay Police Major Emilita Simon, tagapagsalita ng COCPO, kailangang paigtingin ang seguridad sa lugar dahil inaasahang dadami ang mga nagsisimba at bumibisita sa lungsod ngayong papalapit ang kapistahan.