Isinugod sa ospital ang isang 12-anyos na binatilyo matapos tamaan ng bala sa kanang paa nang aksidenteng pumutok ang baril na hawak umano ng kaniyang tiyuhin sa Magsingal, Ilocos Sur.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, abala ang bata sa paggawa ng school assignment nang dumating sa kanilang bahay ang kaniyang 41-anyos na tiyuhin na sinasabing nakainom ng alak.
Inilabas umano ng suspek ang isang revolver at tinanggal ang mga bala nito. Gayunman, isang bala ang naiwan sa baril na hindi niya napansin.
Habang nilalaro umano ng lalaki ang baril, ilang beses niyang kinalabit ang gatilyo hanggang sa tuluyang pumutok ito sa ikatlong pagkakataon.
Tinamaan ng bala ang kanang paa ng pamangkin niyang malapit lamang sa kaniya nang mangyari ang insidente.
Humingi agad ng tulong ang bata sa kaniyang mga magulang bago siya dinala sa ospital para malapatan ng lunas. Kinailangan din siyang sumailalim sa operasyon upang matanggal ang bala sa kaniyang paa.
Nang dumating ang mga awtoridad sa lugar, wala umanong malinaw na crime scene. Gayunman, natukoy ang tiyuhin matapos siyang ituro ng isang kapatid na nakasaksi sa insidente.
Narekober din ng mga pulis ang revolver na sinasabing isinangla lamang umano sa suspek.
Nagpasya naman ang pamilya ng biktima na magsampa ng reklamo laban sa lalaki. Ayon sa kanila, nais nilang managot ito sa nangyari at matutong maging maingat sa paghawak ng baril.
Lumabas din umano sa kanilang salaysay na madalas nagiging mahirap kausapin ang suspek kapag nakainom ng alak.