August 22, 2026

Home BALITA

Ahas na ginamitan ng pang gamot pang tao, gumaling sa cancer!

Ahas na ginamitan ng pang gamot pang tao, gumaling sa cancer!
Contributed photo

Cancer free na ang isang 15-talampakang reticulated python matapos sumailalim sa isang pioneering cancer treatment na pinaniniwalaang unang pagkakataong ginamit sa isang ahas.

Si Jodie Foster—isang 50-kilogram na sawa sa Chester Zoo sa United Kingdom, ay matagumpay na gumaling matapos gamutin gamit ang electrochemotherapy para sa malignant tumor sa panga nito.

Napansin ng mga tagapag-alaga ni Jodie na nabawasan ang pagkain nito at naging mas hindi aktibo kaysa dati. Sa isinagawang pagsusuri, natukoy na may fibrosarcoma o cancerous tumor sa panga ang sawa.

Una nang inalis ng mga beterinaryo ang tumor, ngunit bumalik ito at nagsimulang umatake sa buto ng panga nito.

Dahil dito, nakipagtulungan ang veterinary team ng Chester Zoo sa mga cancer specialist mula sa University of Liverpool upang maiangkop sa isang malaking ahas ang electrochemotherapy, isang pamamaraang karaniwang ginagamit sa paggamot ng cancer sa mga tao.

National

Torre sakaling lumaban sa 2028: 'Whole new different ball game for me!'

Bago isagawa ang procedure, inalis muna ang bukol at bahagi ng may sakit na panga ni Jodie sa pamamagitan ng hemo-mandibulectomy.

Kasunod nito, isinagawa ang electrochemotherapy na gumagamit ng cancer drug na bleomycin at serye ng kontroladong electrical pulses sa bahagi ng tumor. Layunin nitong pansamantalang gawing mas permeable ang cancer cells upang mas madaling makapasok ang gamot at mapuksa ang natitirang malignant cells.

Dahil walang operating table na sapat para sa laki ng sawa, isinagawa ang pagpapamanhid kay Jodie sa sarili nitong habitat bago ito maingat na dinala sa veterinary center ng zoo.

Ayon kay Jose Alvares Picornell ng Department of Small Animal Clinical Science ng University of Liverpool, mahalaga ang resulta ng procedure hindi lamang para kay Jodie kundi maging sa larangan ng veterinary medicine.

Sa kabila ng pagkawala ng bahagi ng panga, hindi naapektuhan ang pagkain ni Jodie. Sa mga buwang pagmamasid matapos ang operasyon, nakitaan pa rin itong normal na pagkilos gaya ng pag-atake, pagkapit at paglunok ng pagkain.

Sa pinakahuling pagsusuri, walang nakitang senyales na bumalik ang cancer.

Dahil dito, plano ng mga specialist na ilathala nang pormal ang mga detalye ng isinagawang procedure upang maging sanggunian ng iba pang veterinary professionals sa buong mundo.

Patuloy namang minomonitor si Jodie upang matiyak na mananatiling walang bakas ng pagbabalik ng cancer.