Matagumpay na nasaklolohan ng mga awtoridad ang 15 gurong na-stranded sa Sitio Naswak, Barangay Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro noong Huwebes, Agosto 20 kasunod ng biglang pag-apaw ng Bongabong River.
Batay sa pahayag ng Police Regional Office (PRO) - Mimaropa noong Biyernes, Agosto 21, ang pag-apaw ng Bongabong River ay nagdulot ng pagkaputol ng tinatawiran nilang kawayang tulay.
Batay pa sa PRO, bagama’t ginanap ang rescue operation sa kasagsagan ng pagbuhos ng ulan, walang gurong nasugatan sa isinagawang rescue operation.
Anila pa, ligtas na nadala ang mga guro sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Operations Center sa Brgy. Sagana, Bongabong kung saan sila binigyan ng karagdagang tulong.
Sa kasalukuyan, tiniyak ng PRO - Mimaropa na habang patuloy silang nakikipagtulungan sa local government units (LGUs) at emergency responders sa mga komunidad na apektado ng nagpapatuloy na pag-ulan, hinihikayat nila ang publiko na maging updated sa mga opisyal na abiso at iwasang dumaan sa mga rumaragasang ilog at sirang tulay.
Dagdag pa nila, agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad kung maging mapanganib ang sitwasyon.