August 21, 2026

Home BALITA Politics

Sen. Bam, nagbalik-tanaw sa mga alaala ni dating Sen. Ninoy

Sen. Bam, nagbalik-tanaw sa mga alaala ni dating Sen. Ninoy
Photo courtesy: Bam Aquino (FB)

Muling binalikan ni Sen. Bam Aquino ang mga alaala niya sa tiyuhing si dating Sen. Benigno "Ninoy" Aquino Jr. nitong Biyernes, Agosto 21. 

Sa Facebook post ni Sen. Bam, ibinahagi niyang bata pa siya noong mga panahong nakasama ang tiyuhin kaya hindi pa raw niya lubos na nauunawaan ang ibig sabihin ng makulong at mapalayo sa pamilya. 

Ngunit habang tumatanda, napagtanto ni Sen. Bam na sa kabila ng naranasang matinding lungkot at pag-iisa ni Ninoy sa pitong taon at pitong buwang pagkakakulong, hindi siya nawalan ng pananalig sa Diyos at tiwala sa mga Pilipino. 

Sa paglipas ng panahon, mas naunawaan din daw ni Sen. Bam ang bigat ng desisyon ni Ninoy na bumalik ng Pilipinas noong 1983. 

Dahil bagama’t may pagkakataon daw na manatili si Ninoy sa Amerika–kung saan kasama niya ang pamilya niya at tiyak ang kaligtasan niya. 

Politics

28 testigo, ibabala laban kay Rep. Romualdez—Ombudsman

Gayundin ang walang kasiguraduhang pagtanggap ng taumbayan at pagbabago sa pag-uwi niya, pinili pa rin daw ni Ninoy na umuwi ng Pilipinas. 

Saad ni Sen. Bam, “Siguro ito ang pinakamahirap unawain tungkol sa tunay na pagmamahal sa bayan: hindi mo minamahal ang Pilipinas dahil sigurado kang may kapalit. Hindi ka naninindigan dahil alam mong mananalo ka. At hindi ka naglilingkod dahil sigurado kang kikilalanin ka. Ginagawa mo ito dahil naniniwala kang karapat-dapat ipaglaban ang Pilipino, kahit hindi mo alam kung ano ang naghihintay sa iyo.” 

“Ito ang mas naiintindihan ko ngayon sa mga salitang, “The Filipino is worth dying for,” dagdag ni Sen. Bam. 

Aniya pa sa paglipas ng 43 taon simula ng pagpanaw ni Ninoy, ang naiwang pamana nito sa kaniya ay ang pagkakaroon ng matibay na pag-asa sa mga Pilipino.

Dahil sa kabila ng lahat, naniniwala rin si Sen. Bam na karapat-dapat pa ring ipaglaban at pagsilbihan ang taumbayan.

Naniniwala rin siya na karapat-dapat pa ring magkaroon ng pag-asang kaya ng taumbayan na bumuo ng isang maayos na bansa. 

“Maraming salamat, Tito Ninoy, sa inspirasyon, tapang, at pagmamahal na inialay mo sa bayan. Hanggang sa huli, hindi ka nawalan ng pananalig sa mga Pilipino,” pagkilala ni Sen. Bam sa tiyuhin. 

“Ipinakita mong gaano man kahirap ang panahon, karapat-dapat pa ring mahalin at ipaglaban ang ating bayan,” dagdag pa ng Senador. 

Sa kaugnay na ulat, ipinagdiriwang ngayong Agosto 21 ang ika-43 taon ng pagpanaw ni Ninoy sa Manila International Airport, na pinaniniwalaan ng maraming Pinoy na isa sa mga pangyayaring naging marka ng pakikibaka sa pagtamasa ng demokrasya sa bansa. 

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit binansagang ‘Young Man in a Hurry’ si Ninoy Aquino?