Patay ang isang 11-taong gulang na batang lalaki nang malunod habang umiigib ng tubig sa isang ilog sa Tanay, Rizal noong Huwebes, Agosto 20.
Kinilala ang biktima na si alyas "Miguel," Grade 6 student, at residente ng Barangay Plaza Aldea, Tanay.
Batay sa ulat ng Tanay Municipal Police Station, bago ang insidente ay nagpaalam pa umano ang biktima sa kaniyang ina na iigib ng tubig sa ilog, kasama ang kaniyang mga kaibigan, dakong alas-11:00 ng umaga.
Sa salaysay ng testigong si Jomart, napadaan siya sa lugar nang impormahan siya ng ama ng kaibigan ng biktima na may nalulunod sa ilog.
Kaagad naman umanong tumalon si Jomart sa ilog at nang makita ang mga paa ng biktima sa ilalim ng tubig ay kaagad itong hinila at iniahon.
Naisugod pa ang biktima sa Tanay General Hospital ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor.