August 21, 2026

Home BALITA Metro

Lady rider, patay sa salpok sa passenger jeepney!

Lady rider, patay sa salpok sa passenger jeepney!

Patay ang isang lady rider nang salpukin umano ng isang passenger jeepney na nag-counterflow matapos umanong tangkaing mag-overtake sa mga nauunang jeep sa San Mateo, Rizal nitong Huwebes ng gabi, Agosto 20.

Naisugod pa sa pagamutan ang 43-anyos na biktima ngunit hindi na umabot ng buhay matapos na maputulan ng kaliwang braso at magtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.

Arestado at mahaharap naman sa kaukulang kaso ang 20-anyos na driver ng pampasaherong jeepney.

Batay sa ulat ng San Mateo Municipal Police Station, nabatid na pasado alas-6:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa General Luna Avenue, sa San Mateo.

Pauwi na umano sana noon ng bahay ang biktima lulan ng kanyang motorsiklo nang bigla na lang itong salpukin ng pampasaherong jeep na nag-counterflow sa kalsada.

Metro

Pekeng pulis na naghamon ng suntukan sa 5 enforcers, tiklo!

Dahil sa tindi ng impact nang pagkakabangga, naputulan ng kaliwang braso ang biktima at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.

Nayupi rin umano ang gate ng San Mateo Roman Catholic Cemetery kung saan tumama ang pampasaherong jeep.

Ayon sa mga awtoridad, hindi naman nasugatan sa insidente ang driver ng jeep, na wala pa ring halos sakay na pasahero noong mga oras na maganap ang insidente.

Lumitaw rin anila sa imbestigasyon na kalalabas lang ng garahe ng jeep at naghahabol ng pasahero ang suspek, kaya pilit na mag-overtake sa mga sasakyan.

Sinabi ni Pat. Raymond Montojo na nag-swerve ang jeep at in-overtake-an ang nauunang sasakyan ngunit hindi ito nakabawi kaya’t nag-counterflow sa kabilang lane, na nagresulta sa pagkakabangga ng biktima.