August 20, 2026

Home BALITA

May tinataguan? 2 kambing na nakatakas, sumakay ng bus!

May tinataguan? 2 kambing na nakatakas, sumakay ng bus!
Contributed photo

Kakaibang pasahero ang sumakay sa isang pampublikong bus matapos tumalon papasok ang dalawang nakatakas na kambing.

Batay sa nakuhang security camera footage mula sa mismong loob ng bus, makikitang magkasunod na pumasok ang dalawang hayop sa gitnang pintuan kasabay ng iba pang mga sumasakay na pasahero habang nakatigil ang sasakyan sa isang hintayan sa Portland, Oregon.

Awtomatikong nagsara ang pintuan matapos makapasok ang mga ito. Gayunman, agad na napansin ng driver mula sa kaniyang overhead monitor ang mga hindi inaasahang pasahero. 

Dahil dito, mabilis niyang muling binuksan ang pintuan upang mabigyan ng daan ang mga hayop.

Tulong-tulong din ang ilang mga pasahero sa loob ng bus sa paggabay at pagtaboy nang maayos sa dalawang kambing upang ligtas na makababa pabalik sa bangketa nang walang nasasaktan.

PBBM: Pumping stations, 'di sapat para sugpuin baha

Bago pa man ang kakaibang kaganapan sa bus, nakatanggap na ng mga ulat ang mga awtoridad tungkol sa paggala-gala ng dalawang hayop sa naturang lugar. 

Matapos bumaba ng bus, napaulat na naglakad ang mga ito patungo sa direksyon ng isang kalapit na shopping center.

Kalaunan ay kinilala ang dalawang kambing sa mga pangalang "Billy the Kid" at "Billy the Goat." Ligtas din silang nakuha at naibalik sa kani-kanilang may-ari matapos ang maikling paggala sa lungsod.