August 20, 2026

Home BALITA Metro

Lalaking umano’y nag-panic, inatake sa puso at natumba sa baha sa Caloocan!

Lalaking umano’y nag-panic, inatake sa puso at natumba sa baha sa Caloocan!
Photo courtesy: Unsplash

Pumanaw ang isang padre de pamilya matapos siyang mawalan ng malay at matumba sa hanggang dibdib na baha sa Barangay 32 noong Miyerkules, Agosto 19, 2026.

Ayun sa mga ulat, hinihinalang natake sa puso ang biktima sanhi ng matinding takot habang nakalubog sa mataas na baha.

Batay sa pagsisiyasat, lumabas lamang daw ng kaniyang bahay ang biktima upang patayin ang kaniyang circuit breaker bilang pag-iingat sa posibleng kuryente habang patuloy ang pagtaas ng tubig. 

Gayunman, dahil sa kaniyang kondisyon bilang isang nerbiyosong tao, bigla na lamang siyang inatake at natumba sa gitna ng baha.

Nang matagpuan ng mga kapitbahay na walang malay at halos nakalubog na sa tubig, agad na nagtulungan ang sampung lalaki upang sumagip. Isinakay nila ang biktima sa isang upuan at pilit na itinulak palabas habang pahirapang sumasalungat sa napakasungit at rumaragasang agos ng baha.

Metro

Pag-install ng 13 additional pumping stations, ikakasa sa Metro Manila—PBBM

Matapos ang ilang minuto, matagumpay na inilipat ang biktima sa isang rescue boat na ipinadala ng mga opisyal ng Barangay 32. 

Gayunpaman, inabot pa ng mahigit kalahating oras bago tuluyang nakarating ang biktima sa pinakamalapit na ospital dahil sa matinding traffic at hirap sa pagdaan ng mga sasakyan bunsod ng mataas na baha.

Naisugod man sa pagamutan, binawian din ng buhay ang biktima. Batay sa pagsusuri ng mga medical personnel mula sa Community Relations Office ng Caloocan City, tinubuhan pa ang lalaki ngunit marami na ring tubig ang nakuha mula sa kaniyang katawan nang idating sa ospital.

Giit naman ng pamilya ng biktima, mas may pagkakataon sanang mailigtas ang buhay ng kanilang ama kung naging mabilis at maayos ang kalsada papunta sa ospital nang walang humahadlang na baha.

Nanawagan din ang mga residente sa pamahalaan na tiyaking napupunta sa mga tamang flood control project ang mga inilalaang budget sa kani-kanilang barangay upang maiwasan ang mga kaparehong insidente na humahantong sa pagbubuwis ng buhay.