August 20, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'I won’t talk about it muna!' Bela, tikom bibig sa isyu ng friendship nila nina Kim at Angelica

'I won’t talk about it muna!' Bela, tikom bibig sa isyu ng friendship nila nina Kim at Angelica
Photo courtesy: Screenshot from Kim Chiu (IG)

Usap-usapan ang matipid at paiwas na sagot ng Kapamilya actress na si Bela Padilla nang maurirat ng showbiz reporters sa estado ng pagkakaibigan nila nina Kim Chiu at Angelica Panganiban, kasunod ng mga espekulasyong may namumuong tampuhan sa kanilang tinatawag na “AngBeKi.”

Sa panayam ng entertainment media matapos ang media conference ng pelikulang "Life After You" noong Agosto 19, direktang tinanong si Bela tungkol sa kaniyang relasyon kina Kim at Angelica.

Maikli ngunit malinaw ang naging tugon ng aktres:

“I won’t talk about it muna, thank you.”

Matagal nang pinag-uusapan online ang umano’y pagkakaroon ng lamat sa samahan ng tatlong magkakaibigan.

Tsika at Intriga

Viral food seller na si Neneng B, magiging 'Nanay B' na!

Napansin ang pagkawala ni Bela sa mga post

Lalong umingay ang espekulasyon matapos mapansin ng mga netizen ang ilang social media posts nina Kim at Angelica na hindi kasama si Bela.

Noong Hulyo, nagbahagi si Angelica ng isang life update na naglalaman ng mga larawan kasama ang pamilya at mga kaibigan. Kapansin-pansin sa ilang netizen na kabilang sa mga larawan si Kim ngunit wala roon si Bela.

May mga tagasubaybay pa ngang nagtanong sa comment section ni Angelica kung may tampuhan ba sa pagitan ng tatlo at nagpahayag ng pag-asang maaayos ang anumang problema kung mayroon man.

Samantala, napansin din ng ilang fans ang naging birthday greeting ni Bela para kay Kim noong Abril. Ayon sa PEP.ph, sampung araw matapos ang kaarawan ni Kim noong Abril 19 nag-post si Bela ng mensahe para sa kaniyang tinawag na “Taurean twin.” Hindi rin naka-tag si Kim sa naturang post.

Gayunman, wala pang kumpirmasyon mula kina Bela, Kim o Angelica na may naganap ngang away o tuluyang pagkasira ng kanilang pagkakaibigan.

‘AngBeKi’ mula pa noong 2017

Sina Bela, Kim at Angelica ay matagal nang magkakaibigan at tinatawag na “AngBeKi,” mula sa pinagsamang bahagi ng kanilang mga pangalan.

Ayon sa mga naunang ulat, nagsimula ang kanilang pagkakalapit noong 2017 matapos mapunta sina Kim at Bela sa isang birthday celebration na dinaluhan ni Angelica. Nag-click umano agad ang tatlo at mula noon ay naging malapit na magkakaibigan.

Noong 2025, makikita pa ang pagiging malapit ng tatlo nang bumiyahe si Bela patungong Cebu upang sorpresahin si Kim na noon ay nagta-taping para sa The Alibi.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag sina KIm at Angelica tungkol dito.