Patay ang isang 26-anyos na guidance counselor matapos mabundol at magulungan ng isang trailer truck habang tumatawid sa kalsada sa Barangay 22, Cagayan de Oro City, noong umaga ng Miyerkules, Agosto 19, 2026.
Ayon sa Traffic Enforcement Unit ng Cagayan de Oro City Police Office, papunta sana sa trabaho ang biktima nang mangyari ang aksidente.
Isinugod pa sa ospital ang biktima ngunit hindi na siya naisalba at idineklarang dead on arrival.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na mismong katawan ng biktima ang nagulungan ng mabigat na sasakyan.
Batay naman sa salaysay ng may-ari ng bahay na tinutuluyan ng biktima, nakagawian na niyang maglakad tuwing umaga papunta sa pinapasukang unibersidad.
Dinala sa kustodiya ng pulisya ang driver ng trailer truck habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente. Posibleng siyang masampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Sa paunang pahayag ng driver, hindi umano niya nakita ang babae bago nangyari ang insidente.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga pedestrian na maging maingat sa pagtawid, partikular sa mga lugar na dinaraanan ng malalaking truck.
Maaari umanong mapunta ang isang pedestrian sa blind spot ng truck, kung saan hindi siya agad makikita ng driver.
Payo rin ng pulisya na tiyaking nakikita ng driver ang tumatawid bago dumaan sa harap ng malaking sasakyan.