August 20, 2026

Home BALITA Politics

28 testigo, ibabala laban kay Rep. Romualdez—Ombudsman

28 testigo, ibabala laban kay Rep. Romualdez—Ombudsman
Photo courtesy: via MB

May 28 testigo umanong nakahanda ang Office of the Ombudsman na magbibigay ng direkta at materyal na impormasyon kaugnay ng mga transaksyong iniimbestigahan sa kasong kinasasangkutan ni dating House Speaker at kasalukuyang Leyte 1st district Rep. Martin Romualdez.

Sa press statement ng Ombudsman nitong Agosto 20, sinabi ng tanggapan na hindi nito ihihinto ang imbestigasyon sa kabila ng pagbawi ng ilang testigo sa kanilang mga naunang salaysay.

“Hindi bago ang recantation sa mga high-profile case. Classic pressure tactic ito. Hindi umiikot ang buong imbestigasyon sa iisa o kahit sa ilang witnesses,” anang Ombudsman.

Ang kaso ay nag-ugat sa malawakang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control project ng pamahalaan na sumiklab noong 2025.

Nagsimula ang mas malawak na imbestigasyon matapos iutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 2025 ang pag-audit at pagsusuri sa mga flood control project na isinagawa sa nakalipas na tatlong taon. Lumutang ang mga alegasyon ng ghost projects, substandard na imprastraktura at umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan.

Politics

‘Marites ng impeachment!’ Rep. Pulong, binira si Atty. Kapunan

Noong Setyembre 2025, nagbitiw si Romualdez bilang Speaker ng House of Representatives habang lumalakas ang kontrobersiya sa umano’y anomalya sa flood control projects.

Noong Abril 2026, sinabi ng Ombudsman na naghahanda ito ng plunder case laban kay Romualdez kaugnay ng flood control controversy. 

Samantala, binigyang-diin din ng tanggapan na ang sinumang nabigyan na o mabibigyan pa ng legal na proseso ay inaasahang makikipagtulungan sa imbestigasyon.

“Sa lahat ng nabigyan na o mabibigyan pa ng legal na proseso, hindi choice ang pakikipagtulungan. Obligasyon 'yan sa batas,” giit pa ng Ombudsman.

Nagbabala rin ang Ombudsman laban sa sinumang susubok na humadlang, manakot o manggulo sa mga proceedings nito, at sinabing haharap sa buong bigat ng batas ang mga gagawa nito.

“Sinuman ang mangahas humadlang, mangbara o manggulo sa proceedings ng Ombudsman ay haharap sa buong bigat ng batas,” anila pa.