August 19, 2026

Home BALITA National

PCO, umapela sa media tungkol sa pagbabalitang sangkot ang minors

PCO, umapela sa media tungkol sa pagbabalitang sangkot ang minors
Photo courtesy: MB

Nanawagan ang Presidential Communications Office (PCO) sa lahat ng media organization na maging lubos na maingat at responsable sa pag-uulat ng mga insidenteng kinasasangkutan ng mga menor de edad.

Sa isang pahayag na inilabas nitong Miyerkules, Agosto 19, muling iginiit ni PCO Secretary Dave Gomez ang posisyon ng tanggapan na kailangang pairalin ng state media ang pinakamataas na antas ng pag-iingat sa paraan ng pagbabalita at pagtalakay sa mga trahedyang may kinalaman sa mga menor de edad.

Ayon kay Gomez, hindi naman magpapatupad ang pamahalaan ng mga restriksyon sa private media organizations. Gayunman, umapela siya sa mga ito na maging maingat at responsable sa kanilang coverage.

"We will not impose restrictions on private media organizations; however, we respectfully appeal to them to exercise extreme care and responsibility in their coverage," saad sa pahayag.

Partikular na hiniling ng kalihim ang pagpipigil sa paglalathala o pagpapakalat ng mga impormasyong maaaring makompromiso ang dignidad, kaligtasan at privacy ng mga menor de edad.

National

KWF, niratrat ng ilang manunulat matapos parangalan mga sarili!

Kasama rin dito ang pag-iingat sa pagbabalita ng mga detalye na maaaring makaapekto sa mga naulilang pamilya, gayundin sa patuloy na pagtugon at imbestigasyon ng mga awtoridad.

Binigyang-diin din ng PCO ang pangangailangang iwasan ang pagbabahagi ng mga detalyeng maaaring maghikayat o magsilbing halimbawa sa tinatawag na copycat acts.

Ayon kay Gomez, mahalaga ang responsableng pamamahayag lalo na sa mga sensitibong insidente upang mapangalagaan ang mga sangkot, partikular ang mga menor de edad, habang naipararating pa rin sa publiko ang mahahalagang impormasyon.

"In particular, we ask for restraint in reporting that may compromise the dignity, safety, and privacy of minors, the bereaved families, and the ongoing response and investigation efforts, and to avoid details that may encourage copycat acts," saad pa.

Photo courtesy: Presidential Communications Office/FB

Kaugnay ang pahayag sa naganap na pamamaril ng isang Grade 7 student sa Ateneo De Zamboanga University Junior High School noong Martes, Agosto 18, na kumitil sa buhay ng ilan pang estudyante, gayundin ang mismong salarin.

Ang PCO ang pangunahing tanggapan ng pamahalaan na nangangasiwa sa komunikasyon ng administrasyon at sa pagpapalaganap ng mga opisyal na impormasyon ng ehekutibong sangay.