Nauwi sa trahedya ang paghahanda para sa kasal ng magkasintahang taga-Cebu City matapos silang masawi sa aksidente sa motorsiklo sa Barangay Busay noong gabi ng Martes, Agosto 18, 2026.
Kinilala ang mga biktima na sina alyas “John Mike,” 27 taong gulang, at ang kaniyang fiancée na si alyas “Rose Ann Mae,” 25-anyos.
Pareho silang idineklarang dead on arrival sa isang pribadong ospital matapos bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Cebu Tops Road, malapit sa Skyline Garden Columbary sa Barangay Busay.
Batay sa paunang imbestigasyon, tinangka umanong iwasan ni John Mike ang isang paparating na sasakyan habang binabagtas ang kurbadang pababang bahagi ng Cebu Tops Road patungo sa Cebu Transcentral Highway.
Dahil dito, napunta sa gilid ng kalsada ang motorsiklo at bumangga sa isang konkretong poste. Sa lakas ng impact, tumilapon ang magkasintahan mula sa motorsiklo.
Kapwa silang isinugod sa isang pribadong ospital sa Cebu City, ngunit pareho silang idineklarang dead on arrival.
Ayon sa pamilya, isang taon nang magkasintahan sina Boyonas at Hermoso.
Nag-propose si John Mike kay Rose Ann noong Abril ngayong taon at nakatakda sanang ikasal ang dalawa sa Setyembre.
Sa halip na paghahanda para sa kanilang kasal, naiwan sa kanilang mga pamilya ang pagluluksa sa biglaang pagpanaw ng magkasintahan.