Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umabot na sa 1,119,170 family food packs (FFPs) ang naipamahagi nila sa 10 rehiyon sa Pilipinas, bilang tugon sa epektong idinulot ni Bagyong Luis, Maymay, at southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng bansa.
Ayon sa ulat na ibinahagi ng DSWD noong Martes, Agosto 18, kabilang sa ipinamigay ng ahensya ang 17,811 ready-to-eat food (RTEF) boxes at 13,181 non-food items (NFIs), para sa mga apektadong residente at pamilya mula sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Batay pa sa ahensya, ang pamimigay ng FFPs, RTEF, at NFIs ay parte ng augmentation request mula sa mga pamahalaang lokal, na nakalaan para sa mga apektado ng weather systems sa mga nabanggit na rehiyon.
“Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan para matiyak ang maagap na pagtugon at tuloy-tuloy na paghahatid ng kinakailangang tulong sa mga apektadong komunidad,” anang ahensya.