Nanawagan si Sen. Imee Marcos sa mga kapuwa senador na pagtuunan muna ng pansin ang pagsisilbi sa mga Pilipino sa gitna ng mga krisis na kinakaharap ng bansa.
Sa latest Facebook post ni Sen. Imee nitong Lunes, Agosto 17, nakapanlulumo raw na hati ang mga kapuwa niya lingkod-bayan dahil sa umano’y pamumulitika habang lubog sa baha ang bansa at hikahos ang maraming magsasaka.
Aniya, “Nakapanlulumo na habang lubog sa baha ang bansa, nasalanta ang maraming pamilyang Pilipino, naghihikahos ang mga magsasaka, nasayang ang mga gulay ng mga kababayan natin sa Benguet, halos 20 na ang tinatayang namatay ay heto kaming mga lingkod-bayan, nahahati ang oras at atensyon dahil sa pamumulitika.”
“Imbis nakahawla sa senado, sana sa mga ganitong panahon ay bigyan muna ng prioridad ang serbisyo at kapakanan ng bawat Pilipino,” dugtong pa ni Sen. Imee.
Ito ay habang gumugulong ang ika-16 na araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Kasabay ito ng pag-ulan sa maraming lugar sa Pilipinas partikular sa Metro Manila at malaking parte ng Luzon dulot ng #HabagatPH.
Sa katunayan, nagsuspinde na ng klase ang ilang siyudad sa National Capital Region (NCR) para bukas, Agosto 18.
Maki-Balita: #WalangPasok: Class suspensions para sa Martes, Agosto 18