Inamin ng aktres na si Katherine Luna na nahiya raw siyang tanggapin noong una ang tulong na ibinigay ni Kapamilya Primetime King Coco Martin.
Matatandaang si Coco ang sumagot sa operasyon ng mata ni Katherine gayundin ang pagpapaayos ng ngipin nito.
Nahagip sa latest episode ng “Ogie Diaz Inspires” na umere noong Linggo, Agosto 16, kung paano nakarating sa kaalaman ni Coco ang kalagayan ni Katherine.
Ayon kay Ogie, tumimbre daw siya sa Kapamilya Primetime King dahil alam naman niya ang nakaraan nito sa aktres.
“Alam ko namang mabuting tao si Coco,” anang showbiz insider. “Siya ang nilapitan ko para sa ‘yo. Tingnan mo naman, hindi naman nagdalawang-isip ‘yong tao. Talaga ‘sige, Kuya Ogs, sabihin mo tutulungan ko siya.’”
“Ikaw naman, nahihiya ka pa. Ba’t ka ba nahihiya?” tanong pa niya.
“Hindi naman sa ayaw kong tanggapin ‘yong tulong. Ang iniisip ko ‘yong mga nangyari noon, e. Ano na lang ang mukhang ihaharap ko? Anong sasabihin ng tao? Ang kapal naman ng mukha ko para tanggapin ‘yong tulong after lahat ng nagawa ko,” saad ni Katherine.
Ayon sa aktres, hindi lang daw ang pagpapaako sa batang dinadala niya noon ang naging kasalanan niya kay Coco. Marami umano siyang masasakit na salitang dinamdam ng buong pamilya nito.
“‘Yon ‘yong worry ko. ‘Yon ‘yong isa sa mga dahilan ko noon kung bakit nagdadalawang-isip pa akong tanggapin ‘yong tulong. Kasi nga, katulad ng sinabi ko, tanggap ko na ‘yong sarili ko, ‘yong sakit ko,” dugtong pa niya.
Matatandaang sa isang episode ng vlog ni broadcast-journalist Julius Babao noong Pebrero 2025, humingi ng tawad si Katherine kay Coco. Tuluyan naman na siya nitong napatawad.
MAKI-BALITA: Ex-jowa umano ni Coco Martin, may mensahe sa aktor